CALAMBA CITY, Laguna (PIA) — Higit 50,000 piraso ng semilya ng Bighead Carp ang inihulog ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) 4-A sa iba't-ibang bayan sa paligid ng Laguna Lake nitong Hunyo 3, bilang bahagi ng programang Balik Sigla sa Ilog at Lawa o BASIL.
Hangad ng programa na maisaayos at ibalik sa magandang pisikal na kondisyon ang mga lawa, ilog, dam, at reservoir sa rehiyon.
Tig-10,000 piraso ng semilya ng Bighead Carp ang natanggap ng mga bayan ng Pangil, Siniloan, Paete, Pakil, at Kalayaan na pawang mga bayang nasasakupan ng lawa.
Ayon sa BFAR 4A, naging matagumpay ang programa na pinangunahan ni BASIL Regional Focal Person Nenita Kawit, katuwang ang Laguna Provincial Fisheries Office at mga lokal na pamahalaan.
Layon ng BASIL program na maparami muli ang bilang ng mga ‘indigenous’ na isda sa mga ‘targeted management areas’ upang mas mapayabong ang industriya ng pangingisda, makakadagdag-kontribusyon sa suplay ng pagkain, at mapangalagaan ang yamang-kalikasan ng bansa. — CH, PIA 4A (May ulat mula sa BFAR 4A)