No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Simulation on Blast Fishing isasagawa ng BFAR Bicol sa Albay

LUNGSOD NG LEGAZPI (PIA) -- Nakatakdang magsagawa ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) RO5 at BFAR Albay ng isang simulation exercise of blast fishing o isang kontroladong eksperimento ng pagpapasabog sa bahagi ng karagatang sakop ng Barangay Baybay sa bayan ng Malinao, Albay.

Ayon kay Alvin Lat, BFAR Albay Provincial Field Officer, ang “simulation of blast fishing activity” ay may layuning malaman ang aktuwal na pinsala ng pagdidinamita sa mga yamang dagat tulad ng mga isda, bahura o corals at iba pang mga produktong dagat at maging sa kalikasan.

Dagdag pa ni Lat na karaniwang pampasabog na ginagamit ng ilang mga iligal na mangingisda na kung tawagin ay dinamita ang gagamitin sa naturang pagpapasabog at ito ay may tatlong sukat ng pampasabog (350 ml o gin size, 500 ml & 1liter size)  na papasabugin sa tatlong pagkakataon

Bilang bahagi ng paghahanda ng ahensiya, una nang nakipag ugnayan ang BFAR sa ilang mga sangay ng pamahalaan na makakatulong sa kanila sa pagplano at pagsasakatuparan ng pinaplanong eksperimento.

Kabilang sa mga ahensiyang sinangguni ng BFAR ay ang PNP Regional Explosive and Ordnance Division, Philippine Coast guard, Philippine Navy, PNP Civil Security Unit, PNP Maritime, Municipal MFARMC, DENR, DILG, PIA,  officials ng bayan ng Malinao at iba pang ahensiya ng gobyerno.

Siniguro ng BFAR na walang maaapektuhan na anumang yamang dagat sa lugar na gaganapan ng pagpapasabog at tanging ang mga inihandang mga buhay na isda na nakapaloob sa isang “ net cage” ang makikita sa ilalim ng tubig at ilang mga patay na corals na inayos bilang bahagi ng eksperimento.

Sa pagtitiyak ng BFAR  sa kaligtasan ng publiko, isang dayalogo at pagpapaliwanag ng konsepto ng proyekto ang isinagawa sa barangay Baybay, Malinao Albay nitong ika-26 ng Mayo 2022 kasabay ang mga barangay officials dito at mga mangingisda sa lugar. Matapos ang dayalogo ay muling tatalakayin ang naturang paksa sa isa pang pagpupulong kasama ang mga opisyales ng barangay Baybay.

Gaganapin ang eksperimentong pagpapasabog ng dinamita sa bahagi ng karagatan ng barangay Baybay na may lalim na 20 talampakan at layong  150 metro mula sa dalampasigan sa bayan ng Malinao sa panahon na tapos na ang COMELEC Gunban ngayong ika-8 ng Hunyo 2022.

Ayon naman kay Ronaldo A. Canabe, Project coordinator ng BFAR RO5, ito ang kauna-unahang simulation of blast fishing na gagawin sa dagat at pangalawang beses magmula noong 2012 ng unang isagawa ang magkasingtulad na eksperimento sa isang palaisdaan sa Bohol.

Una nang ipinahayag ni BFAR Regional Director Nestor Bien na kanyang dinesenyo at binuo ang naturang experimental project para malaman ang aktuwal na epekto ng pagdidinamita sa mga karagatan.

Ayon pa sa BFAR, hindi katulad ng kinaugaliang paraan ng pagdidinamita ng mga iligal na mangingisda na itinatapon ang boteng may pampasabog, pinagpasyahan na walang taong gagawa nito sa aktuwal na simulation kungdi ay ilalatag na lang ito sa tubig at papasabugin gamit ang isang detonator.

Nilinaw pa ng BFAR na isang beses lang gagawin ang simulation exercise dahil hindi ito dapat karaniwang ginagawa at ito ay ipinagbabawal ng batas (RA 8550 as amended by RA 10654, An Act to prevent, deter and eliminate illegal, unreported and unregulated fishing amending Republic Act 8550, otherwise known as Philippine Fisheries Code of 1998, and for other purposes. (MBAtun/PIA5)

About the Author

Marlon Atun

Writer

Region 5

Feedback / Comment

Get in touch