No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: Araw ng Kalayaan ipinagdiwang sa lungsod ng Calapan

Araw ng Kalayaan ipinagdiwang sa lungsod ng Calapan

Nagpugay ang hukbong sandatahan ng Pilipinas habang itinataas ang watawat sa pagdiriwang ng ika-124 na Araw ng Kalayaan na ginanap sa harapan ng City Hall kamakailan. (Kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- “Pasalamatan natin ang Panginoong Diyos na nagkaloob sa atin ng kalayaan, at pangalawa, sa mga Pilipinong nag buwis ng kanilang buhay at dugo para makamtan natin ang kalayaan.”

Ito ang pambungad na mga pananalita ni Congressman-elect at City Mayor Arnan C. Panaligan sa pagdiriwang ng ika-124 na anibersaryo ng kalayaan na may temang; ‘Kalayaan 2022: Pagsuong sa Hamon ng Panibagong Bukas’ na ginanap sa harapan ng tanggapan ng lungsod kamakailan.

Malaki din aniya ang pagbabagong magaganap sa bansa dahil sa bago ang mamumuno gayundin sa mga sangay ng pamahalaan, maging sa kongreso at mga pamahalaang lokal.

“Ang kalayaan ay mahalaga subalit ito ay magiging matagumpay lamang kung tayo ay magkakaisa. Umaasa tayo na sa darating na panahon, sa pamumuno ng bagong administrasyon ay matugunan nawa ang pangangailangan ng bansa at ito ang magiging hamon sa papasok na pamahalaan,” pagtatapos na mensahe ng alkalde.

Nagtanghal ang mga kabataan sa entablado upang isadula ang mga pangyayari sa kasalukuyang panahon bilang malayang mamamayan. (Kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-Ormin)

Samantala, bago pa man magsalita ang punong lungsod, nagkaroon muna ng pagpupugay sa watawat ng Pilipinas sa pamamagitan ng ’21 Gun Salute’ na sinundan ng pag-awit ng Pambansang Awit ng Pilipinas at pagkatapos ay nagkaroon ng maikling programa kung saan nag tanghal ang mga kabataan ng sayaw na naglalarawan ng kalayaan sa bansa.

Sinabi naman ni Vice Mayor Gil G. Ramirez na samantalahin ang tinatamasang kalayaan at makiisa sa mga programa at proyekto ng susunod na administrasyon ng pamahalaang lungsod.

Bukod kina Panaligan at Ramirez, nakiisa din sa selebrasyon ang mga department heads at kosehales ng lungsod. Kasama din ang Calapan City Police Station sa pamumuno ng hepe na si PLtCol Anthony Ramos, mga kawani ng Bureau of Fire Protection, Philippine Army, Boy Scout at Girl Scout at marami pang iba. (DN/PIA-OrMin)

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch