No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mas maayos at modernong mga pasilidad sa kampo ng Cagayan PNP, ibinida

TUGUEGARAO CITY, Cagayan (PIA) - - Mas maayos at modernong mga pasilidad ngayon ang makikita sa loob ng kampo ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) dito sa lungsod.

Sa ilalim ng liderato ni Col. Renell Sabaldica, nagkaroon ng malaking pagbabago simula nang ito’y naupo bilang provincial director ng CPPO dahil sa pagnanais nitong gawing huwaran o ‘role model’ ang CPPO sa iba pang mga provincial office sa rehiyon at maging sa national headquarters.

Litrato ng MustFITers Visitors’ Lounge ng Cagayan Police Provincial Office.

Sa unang buwan ng kanyang liderato, ipinagpatuloy nito ang pagpapalawak at pagsasaayos ng mga palikuran o ‘comfort rooms’ sa loob ng headquarters dahil naniniwala ang opisyal na isa sa basehan ng kalinisan ng isang lugar ay ang palikuran nito.

Sa katunayan, ang CPPO pa lang ang mayroong air-conditioned restroom na tinawag niyang ‘Cagayano P.A.T.R.O.L.ers Restroom’.

Ilan pa sa mga bagong pasilidad ay ang Cagayano COPs Lobby, MustFITers Visitors’ Lounge kung saan tinatanggap ng direkor ang mga mahahalagang bisita, Cagayano Carport para sa mas maayos na parking space sa loob ng Camp Tirso Gador, Cagayano Cops Canteen at Morican Rider’s Nook.

Ipinagmalaki rin ng CPPO ang bago nitong administration building dahil sa mga ginawang pagsasaayos dito na kung ilarawan ng director ay ‘high class’.

Nagkaroon na rin ng enteblado sa harap ng bagong administration building kung saan ginaganap ang Flag Raising at Awarding Ceremonies, at maging mga ibang mahahalagang okasyon sa kampo.

Naging mas maaliwalas din ang Cagayan PPO Chapel at ang grotto dahil sa bago nitong pintura. Mas nakaka-engganyo na rin ang paglalaro ng basketball dahil sa bagong pintura ng court nito.

Paminsan-minsan na ring nagagamit ang Cagayan PPO Firing Range matapos ang paglilinis at pag-aayos dito. Pinagtuunan rin talaga ng pansin ang kapaligiran sa loob ng kampo na pati ang mga "pathways" ay binigyang halaga at ginamitan ng pailaw para sa night-duty personnel.

Litrato ng Cagayano P.A.T.R.O.L.ers Restroom na makikita pagpasok sa loob ng kampo ng Cagayan Police Provincial Office.
Nagkaroon din ng Pres Corps Lounge ang CPPO sa ilalim ng liderato ni Col. Renell Sabaldica.
Ang bagong gawang covered pathway sa loob ng kampo ng Cagayan Police Provincial Office.

Ginastusan din ang paggawa ng Directory upang maibagay sa bagong CPPO Admin Building. Nakakaagaw rin ng pansin ang flagpole at ang katabi nitong monumento ni Tirso Gador na siyang unang napapansin kapag may mga kaganapan sa CPPO grounds.

Dahil din sa isinagawang ‘Cagayano Cops Fun Shoot: For a Cause’ na siyang inisyatibo ni Sabaldica at mga suporta galing sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, Provincial Advisory Group, at iba pang stakeholder, naipagawa na rin ang ‘circumferential road’ sa kampo.

Pinagtuunan rin ni Sabaldica nang pansin ang ikakabuti ng mga bisita kaya’t pinagara ang ‘Guest Room’ para maging komportable ang mga ito. Bukod dito, nagpagawa ri ang direktor ng ‘Visitors and Coffee Area with comfort rooms’ sa kanyang quarters para maging komportable ang mga bisita na dadalaw sa CPPO.

Nagpalagay rin siya ng ‘Analoc Glass’ na siyang nagpa-aliwalas ng “conference room” ng kampo. Liban diyan ay pinalitan ang mga upuan, nagkabit ng “floor mounted aircondition”, at “oversized mirrors” para dito sa ating Cagayano Cops Multi-purpose Hall.

Ang agong mukha ng Cagayano Cops Multi-purpose Hall.

Binigyang atensyon din nito ang CPPO Daycare Center at nagpagawa ng ‘Reading Corner’ na puno ng iba’t ibang mga libro na nabasbasan noong Disyembre 15, 2021.

Bukod sa mga nabanggit, nagkaroon din ng CPPO Press Corps Lounge na lubos na ikinatuwa at ipinagpapasalamat ng Cagayan PPO Press Corps. Ito ay napasinayaan at nabasbasan kasabay ng magarang restroom ng Provincial Investigation and Detection Management Unit noong Oktubre 28, 2021.

Samantala, napapanatili rin ng CPPO ang pagiging number 1 sa Regional Unit Performance Evaluation Rating (UPER). Sa katunayan, sa limang probinsiya ng Rehiyon Dos ay nakuha at nakamit ng Cagayan PPO ng sampung beses ang pagiging over-all number 1 simula noong Hunyo 23, 2021 hanggang sa kasalukuyan nang siya ay naupo bilang director. (MDCT/ With reports from CPPO/PIA Cagayan)


About the Author

Mark Djeron Tumabao

Regional Editor and Social Media Manager

Region 2

An ordinary writer from Cagayan Province. 

Feedback / Comment

Get in touch