Nasa mahigit 1,000 seedlings ang inihanda ng Puerto Princesa City Environment and Natural Resources Office (City ENRO) para sa Pista Y Ang Kagueban 2022 na gagapin sa Hulyo 2, 2022. (file photo ni Mike Escote, PIA Palawan)
PUERTO PRINCESA, PALAWAN, (PIA) -- Naghahanda na ang City Environment and Natural Resources Office (City ENRO) ng Puerto Princesa para sa gagawing Pista Y Ang Kagueban o Pista ng Kagubatan, isang taunang tree planting activity sa lungsod.
Ayon kay Gerry Reyes, tagapagsalita ng City ENRO, dahil gipit na sa panahon, gagawin ito sa Hulyo 2, 2022 at hindi sa huling Sabado ng Hunyo tulad ng nakasaad sa ordinansa.
Inobserbahan pa kasi aniya ng lokal na pamahalaan ang magiging kalagayan ng siyudad kaugnay ng alert level system na ipinatutupad sa bansa dahil sa Covid-19 pandemic kaya maikli lang ang panahon ng kanilang paghahanda.
Kung dati-rati ay ginagawa ito sa bundok ng Irawan, idaraos aniya ang tree planting activity ngayon sa pitong barangay na nasa norte ng siyudad na nasalanta ng bagyong Odette noong Disyembre 2021 tulad ng San Rafael, Langongan at mga kalapit na barangay. Sabay-sabay na itatanim ang mahigit 1,000 seedlings ng katutubong puno ang kanilang inihanda sa pitong barangay.
Matatandaang halos makalbo ang kagubatan sa northern barangay ng siyudad matapos manalasa ang napalakas na bagyo kaya umaasa ang City ENRO na sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga puno ay muling yayabong ang gubat sa lugar. (MCE/PIA MIMAROPA)