Ang ika-144 Regular na Sesyon ng ika-16 na Sangguniang Panlunsod ng Puerto Princesa City noong Hunyo 13,2022 kung saan isinulong na amyemdahan ang Solo Parent Ordinance. (Larawan ni Mike Escote, PIA Palawan)
PUERTO PRINCESA, PALAWAN (PIA) - -Isinusulong ngayon sa Sangguniang Panlunsod ang pag-amyenda sa Solo Parent Ordinance ng Puerto Princesa City. Ayon kay si Vice Mayor Maria Nancy Socrates, kabilang sa nais na amyendahan ay ang apela ng mga solo parent na kapag sila ay Senior Citizen (SC) o di kaya ay Person With Disability (PWD), sana ay makatanggap rin sila ng allowance bilang SC at PWD.
Sa kasalukuyan kasing ordinansya, isa lang ang maaari nilang matanggap, ito ay ang P5000 tulong pinansyal kada taon mula sa pamahalaang lokal ng Puerto Princesa sa pagiging solo parent lang. Nais nila aniya na itulad sa mga nakakatanda na kapag sila ay isang PWD rin ay dalawa ang kanilang natatanggap na tulong pinansyal. Wala naman aniyang pagtutol dito ang City Budget Office.
Umaapela rin aniya ang mga solo parent na kahit magkaroon sila ng kasintahan, girlfriend man o boyfriend tuloy pa rin ang kanilang ayuda. Sa kasalukuyan kasing depinisyon ng Solo Parent, wala dapat katuwang sa buhay ang isang solo parent tulad ng kasintahan.
“Iyon sana idinagdag namin sa ordinansya pero tumutol talaga ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) at sinabi rin ng ating City Legal Office sa pamamagitan ni Atty. Rodel Magrata na ito ay taliwas sa National Law kaya hindi talaga puwede,” saad pa niya.
Isa pa sa dinagdag aniya nila ay tungkol sa diskwento sa mga establisyemento kasi kung ikaw aniya ay isang solo parent at PWD rin ay parehong may diskwento iyon, kaya ang kanilang rekomendasyon ay pumili na lang sila dahil kawawa naman aniya ang isang establisyemento kung dalawang diskwento ang paiiralin. Sa ngayon ay nakabinbin pa ang usapin sa konseho.(MCE/PIA MIMAROPA)