No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: Katok Bakuna, inilunsad sa Puerto Princesa City

Katok Bakuna, inilunsad sa Puerto Princesa City

Ang mga naunang nabakunahan sa Katok Bakuna program ng Department of Health (DOH) at City Health Office matapos itong inulunsad sa Puerto Princesa City noong Hunyo 14,2022. (Larawan ni Mike Escote, PIA PALAWAN)

PUERTO PRINCESA, PALAWAN, (PIA) -- Inilunsad sa Barangay Santa Monica, Puerto Princesa City noong Hunyo 14 ang Katok Bakuna program ng Department of Health (DOH) at ng City Health Office ng Puerto Princesa City.

Sa kaniyang talumpati, sinabi ni City Health Officer Dr. Ricardo Panganiban na ang programang ito ay ang pagbahay-bahay na pagbabakuna sa mga residente ng siyudad nang sa ganoon  ay mabakunahan ang lahat  laban sa Covid-19.

“Ibig sabihin lahat po ng puwede nating mabakunahan ay babakunahan natin. ang ideya po ay natin ay tayo na mismo ang pupunta para masuyod natin ‘yong mga constituents natin sa ibat-ibang barangay” saad pa niya.

Sa panayam naman ng Philippine Information Agency (PIA)-Palawan, kinumpirma niya na mahigit sa 100 health workers na kinabibilangan ng mga miyembro ng Covac Team at Volunteer Health Workers ang siyang naatasang magsagawa ng pagbabakuna hanggang sa masuyod ang 66 barangay ng Lunsod.

Samantala, pinasalamatan naman ni Dr. Peter Curameng ng Provincial Department of Health (PDOHO) ang mga health worker dahil kung hindi aniya sa kanila ay hindi maitataas ang pagbabakuna. Umaasa rin siya na sa pamamagitan ng ganitong programa ay umabot ng 100% ang mababakuhan o mabakunahan lahat ng dapat mabakunahan.

Samantala, ang mga  Covid-19 vaccine na maaaring piliin ng mga nais magbakuna ay ang  Pfizer vaccine  para sa 5-11 taong gulang at 12 taong gulang pataas, mayroon ring Moderna, Aztrazeneca at Sinovac vaccine para sa mga 18 taong gulang pataas. Kabilang rin sa mga maaaring magpabakuna sa Katok Bakuna ay ang mga magpapa-booster shot.(MCE/PIA MIMAROPA)

About the Author

Michael Escote

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch