No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

738 shared towers para sa telepono, internet naitayo sa Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Sunud-sunod na naitayo sa Bulacan ang mga Shared Passive Telecommunications Tower Infrastructure na umaabot na sa 738.
 
Ayon kay Department of Information and Communications Technology o DICT Regional Director Reynaldo Sy, bahagi ito ng nagpapatuloy na malawakang pagtatayo ng mga tower sa bansa upang pabilisin ang koneksyon sa telepono at sagap sa internet.
 
Nagsimula ito nang maisabatas ang Republic Act 11494 o ang Bayanihan to Recover As One Act.
 
Base sa isang probisyon nito, pansamantalang sinuspinde ang mga rekisito para sa pagtatayo ng mga towers para sa telepono at internet.
 
Kaya’t mabilis na naitayo ang mga imprastrakturang may kinalaman sa sektor at industriya ng information and communication technology gaya ng mga towers, equipment, software at wireless technologies sa nakalipas na mahigit isang taon.
 
Bagama’t natapos na ang bisa ng Republic Act 11494, patuloy pa rin ang pagpapatayo ng mas marami pang mga kagaya nitong pasilidad sa pamamagitan ng Revised Joint Memorandum Circular o JMC 1 of 2021.
 
Sa puntong ito, kahit ibinalik na ang mga rekisito na kailangan sa pagtatayo ng mga towers na pansamantalang inalis ng Republic Act 11494, mas pinadali at pinabilis naman ang mga proseso upang maging tuluy-tuloy ang pagtatayo ng mga Shared Passive Telecommunications Tower Infrastructure.
 
Katuwang ng DICT sa pagpapatupad ng naturang JMC ang Department of the Interior and Local Government, Department of Human Settlements and Urban Development, Department of Public Works and Highways, Department of Health, Civil Aviation Authority of the Philippines, at ang Anti-Red Tape Authority.
 
Kaugnay nito, sinabi ni DICT Undersecretary for Resilient Government Emergency Communication Alan Silor na maituturing na ang malawakang pagtatayo ng towers ay nakatulong nang malaki upang lumakas ang sagap sa internet at ang koneksiyon sa linya ng telepono sa bansa. 
 
Mula nang maitatag ang DICT noong taong 2016, nasa 9 megabits per seconds o mbps ang karaniwang lakas ng sagap ng internet. Ngayong 2022, umakyat na sa 36 hanggang 40 mbps para sa mobile data at 60 mbps sa fixed broadband.
 
Pumapalo na rin hanggang sa 100 mbps naman ang lakas ng internet na ikinakabit ng DICT sa mga pangunahing lugar sa ilalim ng Free Internet Access Program. (CLJD/SFV-PIA 3)

Ipinapaliwanag ni Department of Information and Communications Technology Regional Director Reynaldo Sy ang mga hakbang ng pamahalaang nasyonal upang pabilisin ang sagap sa internet at koneksiyon sa telepono. Kabilang dito ang malawakang pagtatayo ng mga Shared Passive Telecommunications Tower Infrastructure kung saan 738 sites na sa Bulacan ang natatayuan. (Shane F. Velasco/PIA 3)

About the Author

Shane Velasco

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch