DAET, Camarines Norte (PIA) – Ipinaalala ng National Commissions on Indigenous People (NCIP) na bawal ibenta o bilihin ang ancestral domain o anumang lupa na nasa loob ng lupaing katutubo sa lalawigan ng Camarines Norte.
Ayon kay Louise Faye D. Enciso, provincial legal officer ng NCIP, mahigpit itong ipinagbabawal at ang sinuman na pumasok sa ganitong transaksiyon ay mapaparusahan sa paglabag sa batas.
Aniya, sa ilalim ng Section 7 ng Republic Act 8371 o Indigenous Peoples Rights Act (IPRA), ang karapatan sa pagmamay-ari ng mga katutubo sa kanilang lupaing ninuno ay kikilalanin at poprotektahan.
Ang ancestral lands o lupaing ninuno ay pribado ngunit pag-aari ng komunidad ng indigenous people at ng lahat ng henerasyon ng mga katutubo at samakatuwid ay hindi maaaring ibenta.
Pinaalalahanan ang publiko na maging maingat sa kanilang pagbili ng mga lupain. Bukod sa mahalagang siguraduhing malinis ang dokumento o mayroong titulo ang lupa, tiyakin din na hindi ito bahagi ng lupaing ninuno.
Ayon pa kay Enciso, sinumang lumabag sa anumang probisyon ng RA 8371 ay mapaparusahan alinsunod sa nakaugaliang batas ng kinauukulang indigenous cultural community o katutubong pamayanan.
Pagkakakulong na hindi bababa sa siyam na buwan at hindi hihigit sa 12 taon o multang hindi bababa sa P100,000 at hindi hihigit sa P500,000 at maaaring parehong parusa ang ipataw ng korte sa mga lalabag.
Sa lalawigan ng Camarines Norte ay mayroong tatlong ancestral domain o lupaing ninuno at sila ay matatagpuan sa Barangay Osmeña sa bayan ng Jose Panganiban at Barangay Dumagmang, Malaya at Pag-asa ng Labo.
Sakop rin ang mga barangay ng Capalonga na kinabibilangan ng Itok, Lukbanan, Mabini, Tanuan, Villa Aurora, San Antonio, Mataque, Magsaysay at Old Camp.
Ang mga katutubong Manide sa Camarines Norte ay mayroong kabuuang populasyon na 3,470 at may lupain na 4,382 ektarya. (PIA5/Camarines Norte)