BAYOMBONG, Nueva Vizcaya (PIA) - - Namigay ng mahigit pitong daang libreng titulo ng lupa ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga Novo Vizcayanos bilang bahagi ng 'Duterte Legacy' sa lalawigan.
Ang DENR ay nagbigay ng 663 na free patent titles habang 109 na Certificates of Land Ownership Award (CLOA) naman ang ibinahagi ng DAR sa mga upland at lowland farmers at mga dating rebelde.
Ang pamamahagi ng free patent title ng DENR ay bahagi ng Environment Month at 35th Founding Anniversary Celebration ng ahensiya at selebrasyon ng ika-34 na taon ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Bahagi din ito ng ika-limampung taon ng Presidential Decree No. 27 na naglalayong ilipat ang pag-aari ng lupa na matagal nang sinasaka ng mga farmers.
Nauna rito, nagsagawa rin ng malawakang pagtatanim ang DENR sa mga gilid ng mga ilog sa lalawigan na nilahukan ng iba't-ibang sektor ng lipunan.
Namigay din ng P32 milyong halaga ng tulay ang DAR sa Barangay Wacal sa bayan ng Solano upang mapabilis ang transportasyon ng mga produkto ng mga magsasaka doon.
Hinimok ni DENR Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan ang mga benepisyaryo na gamitin ang kanilang lupa para sa agrikultura upang makatulong sa paglago ng ekonomiya na pinadapa dahil sa Covid-19 pandemic.
Sinabi din ni DAR Assistant Regional Director Alfredo Lorenzo na ang tagumpay ng pamahalaan laban sa Communist-Terrorist Group sa bansa, matapos tumanggap ng mga CLOA at magbalilk no loob sa pamahalaan ang mga dating rebelde. (OTB/BME/PIA NVizcaya)