TUGUEGARAO CITY, Cagayan (PIA) - - Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) region 2 ang mga mamamayan na huwag magsariling gumamit ng rapid diagnostic test kit para sa dengue bagkus isangguni ang mga pasyente sa "health experts".
Ayon kay Dr. Janet Ibay, Infectious Disease Cluster head, bagamat may mga nabibili sa mga botika na rapid test kits, mas mainam pa ring isang health care worker o medical technologist ang magsasagawa ng pagsusuri sa pasyente upang malaman kung siya ay may dengue o wala.
Paliwanag ni Ibay may mga resulta na inilalabas ang rapid test kit na negatibo pero mababa na ang platelet count ng pasyente dahil hindi "reactive" ang kundisyon nito sa test kit.
"Kaya mas mainam na kung may mga sintomas ng dengue ang isang pasyente, dalhin ito sa pinakamalapit na health facility tulad ng barangay health center or Rural Health Unit (RHU). Huwag tayong magsariling gumamit ng rapid test kit," pahayag ni Ibay.
Ayon pa kay Ibay hindi lamang ang test kit ang siyang proseso para sa "dengue clinical diagnosis" bagkus ito ay isa lamang sa mga proseso para matiyak kung ang isang tao ay may dengue o wala. (OTB/PIA Cagayan)
