LUNGSOD NG DAGUPAN, Hunyo 23 (PIA) – Inalis na ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Region 1 ang shellfish ban na umiral ng dalawang buwan sa bayan ng Bolinao sa Pangasinan.
Ito ay matapos magpalabas ang BFAR ng Local Shellfish Advisory No. 2 nitong Biyernes na nagpapawalang bisa sa Regional Shellfish Advisory Nos. 1 at 9 na inilabas noong Abril 7 at 14.
Ayon kay BFAR Region 1 Director Rosario Segundina Gaerlan, base sa pinakahuling resulta ng harmful algal bloom monitoring na isinagawa ng BFAR at lokal na pamahalaan, negatibo na ngayon sa paralytic shellfish poison (PSP) o red tide ang mga sample ng shellfish na nakolekta mula sa coastal waters ng Bolinao.
Aniya, maaari na muli ang pag-aani, pagdadala at pagbebenta ng mga shellfish mula sa baybayin ng Bolinao dahil ang mga ito ay ligtas nang kainin.
“Gayunpaman, patuloy na binabantayan ng BFAR at lokal na pamahalaan ang mga baybaying dagat ng Bolinao para pangalagaan ang kalusugan ng publiko at protektahan ang industriya ng shellfish,” sabi ni Gaerlan.
Sa kasalukuyan ay nananatili rin na negatibo sa red tide ang coastal waters ng Alaminos City, Anda, Bani at Sual. (JCR/AMB/EMSA/PIA-1, Pangasinan)