BASCO, Batanes (PIA) - - Matagumpay na ipinagdiwang ng probinsya ng Batanes ang Payuhuan Festival o ang ika-239th Founding Anniversary nito, kahapon, June 26, 2022.
Ang tema ng selebrasyon ngayon ay “MITWAS: The Story Of Batanes’s Recovery”, kung saan ang salitang mitwas, o "pagbangon" sa Wikang Itbayaten, ay nangangahulugan sa pagbangon ng lalawigan mula sa hirap na dala ng mga sakuna kabilang ang COVID-19 pandemic.
Nagkaroon ng programa kung saan idiniin nina Governor Marilou Cayco at ni Congressman Ciriaco Gato na importante ang pagtutulungan ng pamayanan, pamahalaan, at lahat ng mga bagong halal na opisyales para sa patuloy na pagbangon at pag-unlad ng probinsiya.
Pinarangalan din ang ilang mga indibidwal, grupo, at institusyon na may napakalaking kontribusyon sa pangangalaga at pag-protekta sa interes at kapakanan ng buong lalawigan. Kabilang dito ang anim na nakatanggap ng ‘Most Outstanding Ivatan” award mula sa anim na bayan ng Batanes.
Ang ibig sabihin ng salitang "payuhuan" sa Wikang Ivatan ay "bayanihan" ng mga residente sa mga gawain tulad ng pagtatayo ng bahay o pagsasaka, kung saan karaniwang ipinamimigay sa mga kasapi ang "vunung".
Ang vunung ay isang paraan ng paghahanda ng pagkain sa Batanes kung saan binabalot ito sa "kabaya" o malaking dahon na madalas galing sa punong "tipuhu". (JKC/PIA Batanes/with reports from Christine E. Barbosa)