LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Inilunsad ng Philippine Coconut Authority (PCA)- Region IV (CALABARZON at MIMAROPA) ang Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP) sa Quezon Convention Center sa lungsod ng Lucena noong Hunyo 25 kung saan naging panauhing tagapagsalita si Department of Agriculture Secretary William Dar.
Sa paglulunsad ng programa, hinimok ni Dar ang mga lokal na pamahalaan na makiisa sa pagpapalago ng sektor ng agrikultura sa bansa.
“Nakatutok sa mga lokal na pamahalaan ang programa ng agrikultura at mayroong devolved at extension system ang 14 na ahensiya ng pamahalaan na susuporta sa pagpapaunlad ng agrikultura sa kanayunan,” sabi pa ni Dar
Samantala, sinabi rin ng kalihim na pagsisimula ng implementasyon ng Coconut Farmers and Industry Development Plan sa bansa ay higit na sisigla ang agrikultura sa bansa.
Ang CFIDP ang siyang magiging batayan at gabay sa mga programa na gagamit sa “trust fund” para mapaunlad ang industriya ng niyog sa loob ng 50 taon.
Ilan sa mga programang nakapaloob dito ay ang pagkakaloob ng social protection na direktang magbe-benipisyo sa mga magsasaka ng niyog, farm workers at kanilang mga pamilya, hybridization at pagpaparami at pamamahagi ng mga hybrid ng niyog at iba pa.
Ang paglulunsad ng CFIDP ay dinaluhan ng mga magsasaka ng niyog mula sa iba’t-ibang bayan ng lalawigan ng Quezon gayundin ng mga hepe ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan na susuporta sa pagpapatupad ng Coconut Farmers and Industry Development Plan kagaya ng Department of Trade and Industry (DTI), Land Bank of the Philippines (LBP), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Bureau of Animal Industry (BAI), Cooperative Development Authority (CDA) at iba pang mga ahensiya ng pamahalaan. (Ruel Orinday- PIA Quezon)