LUNGSOD NG LEGAZPI, ALBAY (PIA) – Load at gift checks ang ilan sa mga pa-premyo ng National Nutrition Council Region 5 para sa mga aktibidad na gagawin ng naturang ahensya kaugnay ng pagdiriwang ng National Nutrition Month ngayong taon na may temang "New Normal na Nutrisyon, Sama-samang Gawan ng Solusyon."
“Aming inaanyayahan ang publiko na makiisa sa aming mga aktibidad at programa para sa National Nutrition month,” pahayag ni NNC Region 5 OIC Marilyn Valeza sa Talakayan sa PIA Albay program.
“Sa pagdriwang na ito, ating binibigyang halaga ang kalusugan ng bawat Pilipino at mga komunidad. Kung di tayo healthy, madali tayo magkasakit at magastos magkasakit. Kaysa sa pagkain, sa gamot mapupunta ang ating mga resources,” dagdag pa nito.
Sa Talakayan sa PIA Albay program ng Philippine Information Agency - Albay, hinimok ni National Nutrition Council Bicol OIC Marilyn Valeza (right) ang publiko na makiisa sa mga aktibidad para sa pagdiriwang ng National Nutrition Month, na may temang "New Normal na Nutrisyon, Sama-samang gawan ng solusyon."
Layunin din ng pagdiriwang na mapaigting ang pagtuon ng pansin at pagkakaisa tungo sa pagpapabuti ng kalagayan ng nutrisyon sa bansa habang patuloy na umaahon sa epekto ng COVID-19.
“Nais natin na maging malusog araw araw para malabanan ang COVID-19. Ating linangin ang ating kakayahan para tayo ay may pambili ng sapat na pagkain at pagtatanim ng ating mga pamilya at komunidad upang may mapagkunan ng masustansiyang pagkain,” ani Valeza.
Dagdag pa ni Valeza, bumaba ang bilang ng mga batang stunted, wasted at undernourished sa rehiyon ng Bicol sa gitna ng pandemya dahil sa mas pinaigting na programa ng pamahalaan at pakikipag-ugnayan sa mga NGOs. Gayundin, mas nabigyan ng mga magulang ng tamang nutrisyon ang kanilang mga anak dahil sila ay nasa bahay alinsunod sa quarantine protocols.
Aniya, mahalaga rin na sa maagang edad ay nakatanim na sa isip ng mga kabataan ang kahalagahan ng nutrisyon sa tulong ng kanilang mga guro.
Isa ang zumba sa Penaranda Park, Albay sa mga aktibidad ng National Nutrition Council Bicol para sa paglulunsad ng National Nutrtion Month sa rehiyon ng Bicol nitong Hunyo 1, 2022. (Idol FM photo)
Kabilang sa mga aktibidad ang Nutriquiz sa NNC page na may libreng load para sa makasasagot ng tama, “Idol ko si Tatay” video cooking contest, Tiktok dance contest, vlogging at nutrition forum na bukas para sa mga mag-aaral, kabataan, magulang at iba pa.
Katuwang ang LGU Legazpi City sa pagbubukas ng pagdiriwang nitong Hunyo 1 kung saan inilunsad din ang Government on Hunger - Malnutrition Interventions and Expansion (G.H.I.E) Project na layuning makamit ang food security sa lungsod sa pamamagitan ng pagpapaigting ng programa sa agrikultura, nutrisyon at kalusugan.
Ani Valeza, kasama sa programang ito ang eggs distribution kung saan nasa 300 na itlog ang ipamimigay araw-araw sa mga malnourished na bata sa iba't ibang barangay sa lungsod sa loob ng 180 na araw bilang bahagi ng dietary supplementation program.
Kanya ring hinimok ang mga LGUs na suportahan at paglaanan ng sapat na pondo ang kanilang mga nutrition programs kasama na ang pagtatalaga ng nutritionist/dietician upang makatulong sa kanilang mga programa. (PIA5/Albay)