Inihayag ni Palawan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Jeremias Y. Alili sa Kapihan sa PIA noong Hulyo 12,2022 na plano nilang rebisahin ang Contingency Plan ng lalawigan sa pamamagitan ng gagawing table-top simultaneous exercises ngayong buwan. (Larawan ni Orlan Jabagat, PIA Palawan)
PUERTO PRINCESA, PALAWAN, (PIA) -- Planong rebisahin ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Palawan ang Contingency Plan ng lalawigan hinggil sa mga maaaring sakunang tumama rito.
Ito ay matapos na ang kanilang itinakdang bilang na 10 indibidwal na maaaring masaktan o masawi sa isang malakas na bagyo o anumang uri ng kalamidad ay muntik nang maabot nang manalasa ang bagyong Odete noong Disyembre 2021. Umabot kasi sa siyam katao ang nasaktan at nasawi sa bagyo.
Dahil dito ay nakatakdang magsagawa ng table-top simulation exercises ang PDRRMO ng Palawan sa Hulyo 20, kasama ang iba pang ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa pagresponde tulad ng PNP, Wescom, PSWDO at iba pa. Ayon kay PDRRM Officer Jeremias Y. Alili sa naganap na Kapihan sa PIA noong Hulyo 12 sa SM City Puerto Princesa, sa gawain na ito mayroon silang ibibigay na sitwasyon partikular na ang pagkakaroon ng napakalakas na bagyong tatama sa lalawigan.
“Ang general scenario ay mayroong napakalakas na bagyo na tatama sa Palawan, ito ay isang super typhoon na nabuo sa Sulu Sea at nag-recurve dahil sa high pressure area sa bandang Vietnam kaya babaybayin niya ang main land [Palawan], gawa-gawa lang po namin ‘yon para ma-simulate ang bagyo”, saad pa ni Alili.
Lahat aniya ng munsipyo ay kalahok rito at uutusan nila ang mga Punong Bayan na pulungin ang kanilang ‘response cluster’ gayundin naman sa provincial level. Layunin aniya nito na makita ang gagawin ng bawat magreresponde at ito rin ang kanilang pagbabatayan para sa pagrebisa ng Contingency plan ng lalawigan lalo’t kailangag-kailangan na itong baguhin.
Sinagot rin ni Alili ang tanong kung gaano na kalakas ang PDRRMO Palawan. Aniya ang 'mind set' sa DRRM field ay palaging hindi sapat ang kanilang lakas dahil hindi nila alam kung gaano kalakas ang darating na bagyo o sakuna. Sa ganyang kaisipan aniya, hindi sila titigil sa pagpapalakas at pagpapaunlad ng kanilang kakayahan para maabot ang libil ng paghahanda ng ibang probinsiya.
Inihayag rin niya na maglalagay sila ng mga single-side-band equipments sa mga kritikal na lugar sa lalawigan sa pakikipagtulungan sa Provicial Information Office (PIO) at Provincial Radio Communication System (PRCS) Division nito. Ito lamang kasi aniya ang naging epektibong komunikasyon noong manalasa ang bagyong Odette sa lalawigan kung saan ilang araw na walang signal ng cellphone. Maliban sa SSB ay maglalagay rin ng VHF at UHF radio communication, cellphone, application at sa mga susunod na panahon ay magtatayo sila ng radio station na may relay station sa mga munisipyo.(MCE/PIA MIMAROPA)