No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: Voters Registration, hiniling na palawigin

Voters Registration, hiniling na palawigin

Ang mga nakapilang mga indibidwal sa ginaganap na mall voters registration sa Puerto Princesa City mula Hulyo 4-23,2022. (Larawan mula sa Puerto Princesa City Comelec)

PUERTO PRINCESA, PALAWAN, (PIA) -- Hinihiling ngayon ng Sangguniang Panglunsod ng Puerto Princesa sa Comelec En Banc na palawigin ang voters registration na matatapos sa Hulyo 23, 2022.

Ito ay sa pamamagitan ng SDR 008-2022 na may titulong “A resolution earnestly requesting the Comelec en Banc to extend the period of registration for voters in connection with the 2022 Barangay and SK Elections’ na inaprubahan noong Hulyo 18, 2022.`

Nauna rito ay nagbigay ng privilige speech si City Councilor Elgin Robert Damasco kung saan kaniyang ipinahayag ang kaniyang kalungkutan sa haba ng pila  ng mga nais magparehistro sa labas ng isang mall na aabot aniya sa tatlong kilometro ang haba at nakakaawa aniya ang kanilang kalagayan dahil sila ay naiinitan at naambunan habang ang iba ay may dala pang mga bata na mula pa sa malalayong barangay.

Ayon naman kay Sangguniang Kabataan Federation President Myka Mabelle L. Magbanua, ilang mga kabataan ang nasa tatlo hanggang apat na araw nang  natutulog sa labas ng mall [para hindi maalis sa pila]. Hindi rin aniya sapat ang tatlong linggong ibinigay ng Comelec para magparehistro  dahil kung pagbabatayan  aniya ang nakaraang halalan, nasa 165,000 lang ang bumoto sa siyudad kumpara sa mahigit 300,000 populasyon nito. Ibig sabihin aniya, 30% na maaari nang bumoto ang hindi pa rehistrado kaya talagang dagdagsain ito.

Dagdag pa niya , nasa 300 indibidwal lamang ang kayang mairehistro ng Comelec sa isang araw kumpara sa libong kataong nakapila, kaya posibleng marami ang hindi makakarehisto sa huling araw nito.  Dahil dito, ang kaniyang nakikitang sulosyon aniya ay palawigin ito hanggang sa katapusan ng Agosto.

 “Para sa akin ang pinakamagandang gawin talaga po para mapagbigyan  lahat ay talagang palawigin ang rehistrasyon  lalo’t ngayon naka-hang din po ito, bagamat may ‘default time’ pa tayo, sa December 5 ang Barangay  at SK  election pero napakaraming panukalang batas ang inihain sa kongreso para ipagpaliban  yan,” saad pa niya.

Iginiit naman ni City Councilor Jimmy Carbonell na sakaling palawigin ang voters registration, ito ay dapat isagawa  sa mga bara-barangay dahil nagawa naman aniya ito noon bago ang nakalipas na halaan noong Mayo 9, 2022 para hindi humaba ang pila at hindi na matulog sa labas ng mall ang mga bagong voter registrants.(MCE/PIA MIMAROPA)

About the Author

Michael Escote

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch