LUNGSOD CALOOCAN, (PIA) -- Itinuro sa mga mag-aaral ng Jose Rizal Elementary School sa Pasay City ang kahalagahan ng kalusugang pangkaisipan o "mental health" sa pamamagitan ng "interactive storytelling."
Ginanap noong Lunes, Hulyo 18, ang Talakayan Kasama si Ready Kid! Ay isinagawa sa pangunguna ng Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) ng DepEd Central Office, katuwang ang Pasay City Schools Division Office.
Ang TALAKAYAN Kasama Si Ready Kid! ay isang interactive storytelling at psychosocial support activity na tumatalakay sa paksa ng kalusugang pangka-isipan o mental health kaugnay ng mga karanasan sa sakuna o mga hindi inaasahang pangyayari.
Sa pamamagitan ng maka-sining na pamamaraan, layon ng TALAKAYAN Kasama Si Ready Kid! na patatagin ang pagsasagawa at praktika ng psychosocial support activities para sa mga mag-aaral at suportahan ang pagbuo sa kamalayan ng mga mag-aaral tungkol sa kahalagahan ng kalusugang pangkaisipan.
(Mga ibinahaging larawan)
Pangunahing layon ng TALAKAYAN Kasama Si Ready Kid! ang paghikayat sa mainam na mga praktikang tumutulong sa mga mag-aaral na maiging lampasan ang iba’t-ibang epekto ng mga karasanasan sa sakuna o mga hindi inaasahang pangyayari.
Dinaluhan ang nasabing aktibidad ng mga mag-aaral mula sa urban poor community areas upang makahikayat ng pagkakaroon ng inclusivity.
Habang nasa storytelling session ang mga mag-aaral, nagkaroon din ng psychoeducation and psychosocial activities para sa mga magulang upang magkaroon ng talakayan ukol sa mental health, gayundin ang mahalaga nilang gampanin sa pagbibigay prayoridad sa kapakanan ng kanilang mga anak.
“Isa sa pinakamensahe namin dito sa ginagawa ng DepEd ay ang pag-aalaga po natin sa ating mga sarili. Kaya sinasabi na 'it’s okay, not to be okay' ay dahil hindi naman tayo mga superhero. Pero may paraan para ma-manage natin ang ating mga nararamdaman, kasama na dyan ang nararamdaman ng ating mga anak. Kaya ‘yun ang ating mensahe, ang pag-aalaga sa sarili at pag-aalaga sa kapwa, lalong-lalo na sa ating mga anak at sa ating mga pamilya,” mensahe ni DRRMS Director Ronilda Co sa mga mag-aral, magulang, at mga kawani ng paaralan.
Isinagawa ang aktibidad sa pakikipagtulungan sa SDO Pasay City, DepEd NCR, at mga education partners tulad ng UNICEF, Save the Children Philippines, World Vision Development Foundation, Inc., at Plan International. Samantala, nagmula naman ang mga storytellers sa Alitaptap Storytellers Philippines at Black Canvas.
Ayon sa DepEd, nakatalagang umere ang nasabing aktibidad sa DepEd TV sa Agosto ngayong taon upang magamit bilang learning material sa darating na pasukan. (DepEd/PIA-NCR)