Ang EPIRA Law ay isang batas na nagbibigay ng mandato sa Energy Regulation Commission (ERC) na humihikayat para sa isang maayos na kompetisyon at sistema ng pamilihan. Layunin din nito na masiguro ang pagkakaroon ng mura at maaasahang elektrisidad sa bansa.
Kabilang din sa tungkulin ng Transco ang gumawa ng solusyon sa mga problema at ituro ang mga epektibong pagtukoy sa mga iba pang problemang maaaring kaharapin ng kooperatiba. Bukod dito, mabilis din na matutugunan ang problema sa national control center na siyang may access sa mga planta sa lalawigan sakaling may isa dito na mawalan ng suplay ng kuryente.
Samantala, sinabi ni Gob. Humerlito ‘Bonz’ Dolor, “dahil sadyang napakalaki na ang problemang kinakaharap ng kooperatiba at kailangan na aniya itong pagtulong-tulungan lutasin. Nararamdaman ko rin ang suliranin ng Ormeco na kailangan araw-araw ay may magagawa silang solusyon sa mga brownout na kinakaharap at hindi ito ganun kadali.”
Isinagawa kamakailan ang MOA Signing sa pagitan ng ORMECO at National Transmission Corp. (Transco) na sinaksihan ni Gob. Bonz Dolor at iba pang opisyales ng Ormeco na ginanap sa Oriental Mindoro Heritage Museum. (Larawan kuha ng PIO-OrMin)
Hinihikayat din ng gobernador ang mga may malalaking establisyimento na makipagtulungan upang magkaroon ng pondo na pambili ng krudo na maaring magamit ng Ormeco sa mga lugar kung saan mahina ang daloy ng kuryente. Ito din anya ay may kaugnayan sa kasalukuyang limitadong supply ng krudo sa pandaigdigang pamilihan at ang pagtigil ng sabsidiya na natatanggap ng Power One mula sa National Power Corporation (NAPOCOR) dahil na rin sa mataas na presyo ng krudo.
Dumalo din sa nasabing okasyon si Napocor Manager Maximo Delos Reyes, Atty. Jesus Lasquite na kumatawan kay Rep. Arnan Panaligan, Bise Gob. Ejay Falcon at mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan, mga Independent Power Producers (IPPs), iba pang mga direktor at kawani ng Ormeco. (DN/PIA-OrMin/PIO-OrMin)