Ang TESDA Abra Provincial Office, namahagi rin ng food packs sa mga apektadong residente.
Bilang tugon naman sa pangangailangan ng temporaryong tirahan, nagpadala ang United States Agency for International Development (USAID)-Bureau for Humanitarian Assistance at International Organization for Migration Philippines ng shelter-grade tarps sa lalawigan. Nagsagawa na rin ng ocular inspection ang mga kawani ng Department of Human Settlements and Urban Development sa mga nasirang istruktura.
Ang Overseas Workers Welfare Administration - Cordillera naman, nagsagawa ng assessment kaugnay sa kalagayan ng mga Overseas Filipino Workes sa Abra na naapektuhan ng lindol. May ilang OFWs na ginawaran na ng ahensiya ng tulong.
Sa kasagsagan ng trahedya, umiral ang pagkamakatao ng karamihan. Ilang establisyemento ang namigay ng libreng tubig at pagkain. Libreng tubig ang inihatid ng Metro Bangued Water District sa mga apektado. Ang Manila Water District, naglunsad ng mobile water refilling sa ilang bayan. Patuloy ding umiikot ang Metro Manila Development Authority (MMDA) upang magbigay ng purified drinking water sa mga residente. Ang mobile kitchen naman ng BFP-NCR, naghain ng libreng pagkain sa mga residente.
Mula sa Benguet, ibiniyahe ng dalawang KADIWA trucks ng Department of Agriculture - Cordillera ang mga gulay sa anim na bayan ng Abra kung saan, ibinenta sa mababang presyo ang iba't ibang mga gulay. Dinala rin sa Bangued ang Kadiwa on Wheels kung saan, ibinenta sa mga residente sa murang presyo ang bangus, manok, cooking oil at iba pang condiments.