BALIWAG, Bulacan (PIA) -- Nakumpleto na ang pagpapalapad at rehabilitasyon ng mga kalsada at tulay sa kahabaan ng Daang Maharlika mula sa Tabang Cloverleaf sa Guiguinto hanggang sa San Miguel, Bulacan.
Ayon kay Department of Public Works and Highways o DPWH Regional Director Roseller Tolentino, makakabiyahe na nang mas mabilis at maaliwalas sa hilagang silangan ng lalawigan sa pamamagitan nitong orihinal na ruta.
Bukod sa pagpapagawa ng mga bagong road networks, prayoridad din ng DPWH na panatilihing maaliwalas, ligtas at matibay ang mga dating daan na bumabaybay sa mga kabayanan.
Ang bahagi ng Daang Maharlika sa Bulacan ay nagsisimula sa Tabang Cloverleaf sa bukana ng North Luzon Expressway o NLEX at nakadugtong sa Manila North Road sa Guiguinto.
Tinatahak nito ang mga magkakatabing mga bayan ng Plaridel, Pulilan, Baliwag, San Rafael, San Ildefonso at San Miguel. Nagsisilbi rin itong malaking farm-to-market road ng mga kalakal na gulay at palay na naaani sa bahaging ito ng Bulacan.
Apat na linya na ang bahagi ng Daang Maharlika sa Guiguinto partikular na ang mula sa Tabang Cloverleaf hanggang sa Sta. Rita Interchange ng NLEX na ginugulan ng nasa 100 milyong piso.
Isinailalim naman sa rehabilitasyon at pagpapalapad ang bahagi ng Plaridel hanggang sa Pulilan sa ilalim ng Road Upgrading and Preservation Project sa tulong ng 286 milyong piso mula sa Japan International Cooperation Agency.
Kasabay nito, isinailalim sa retrofitting ang dalawang linya na First Plaridel-Pulilan bridge na bahagi ng Daang Maharlika na tumatawid sa Angat River.
May halagang 46.8 milyong piso ang ginugol ng DPWH dito upang lalong mapatatag ang tulay na ipinagawa pa ng mga Amerikano noong 1946.
Sinisimulan na rin ang pagpapatayo ng kakambal nitong tulay na magkakaroon ng karagdagang dalawang linya na may inisyal na halagang 97.6 milyong piso.
Kapag natapos ang proyekto sa 2023, magiging apat na linya na ang First Plaridel-Pulilan Bridge na kapantay ng pinalapad na Daang Maharlika.
Kinonkreto na ang bahagi ng Daang Maharlika na nalulubog sa baha mula sa Pulilan hanggang sa Baliwag kung saan may halagang 50 miyong piso ang inilaan.
Sabay ding nilaparan ang tulay ng National Irrigation Administration at tulay ng Cutcut na nasa bahaging ito ng Pulilan sa halagang 38.5 milyong piso na ngayo’y apat na linya na.
Sa Baliwag, tinapos na ng DPWH ang pagpapalapad at rehabilitasyon ng Daang Maharlika na unang sinimulan noong 2008.
Umabot sa 300 milyong piso ang panibagong pondo na ginugol sa bahaging ito ng highway na laging lumulundo.
Sa mahabang bahagi ng Daang Maharlika sa Bulacan mula sa bayan ng San Rafael na tumatahak sa San Ildefonso hanggang San Miguel, nasa isang bilyong piso na ang nagugol sa ginawang malawakang rehabilitasyon at pagpapalapad ng mga kalsada at tulay mula noong 2016.
Apat na linya na rin ang bahaging ito ng Daang Maharlika kaya’t pinalapad na rin ang mga tulay na nadadaanan dito.
Katatapos lang palaparin ang tulay ng Maasim sa San Ildefonso na nilaanan ng 24.7 milyong piso at tulay ng Salakot sa San Miguel na nagkakahalaga ng 36 milyong piso.
Samantala, nauna nang nilaparan ang may 14 pang mga tulay sa Daang Maharlika mula sa San Rafael hanggang sa San Miguel.
Kabilang dito ang Ulingao Bridge 1 at Ulingao Bridge 2 sa San Rafael; mga tulay ng Mag-Asawang Sapa, Anyatam 1, Anyatam 2, Marugay-rugay 1 at Marugay-rugay 2 sa San Ildefonso; at ang mga nasa San Miguel na mga tulay ng Garlang, De Leon 1, De Leon 2, Tigpalas at Ilog Bakod 1. (CLJD/SFV-PIA 3)
Apat na linya na ang kahabaan ng Daang Maharlika mula sa Guiguinto hanggang sa San Miguel, Bulacan. (Shane F. Velasco/PIA 3)