No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: Sektor ng katutubo palalakasin sa ikalawang termino ni Gob. Dolor

Sektor ng katutubo palalakasin sa ikalawang termino ni Gob. Dolor

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- “Inaatasan ko si Bokal Ahop Agate, ang Indigenous People Mandatory Representative (IPMR) sa Sangguniang Panlalawigan na siyang magpapalakas sa sektor ng mga katutubo sa ating lalawigan ngayong tatlong taon na ang aking termino."

Ito ang binigyang-diin na mensahe ni Gob. Humerlito ‘Bonz’ Dolor matapos makapanumpa kamakailan bilang gobernador para sa ikalawang termino ng panunungkulan na ginanap sa Bulwagang Panlalawigan sa Kapitolyo kamakailan.

Pinangunahan ni Executive Judge Erwin Y. Dimayacyac (dulong kaliwa) ang panunumpa sa tungkulin bilang mga board member na sina (mula ikalawa sa kaliwa pa kanan) IPMR Ahop Agate, Aleli Casubuan, Farah Faye Ilano mula sa unang distrito at sina Atty. Roland Ruga at Atty. Jom Dimapilis para sa ikalawang distrito. (Kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-Oriental Mindoro)

Ibinahagi ni Dolor noong siya ay bise gobernador pa ng magkakaroon ng taunang pondo ang IPMR sa sangguniang panlalawigan hanggang sa siya ay naging punong lalawigan, kung kaya ang mensahe nito kay Agate ay gamitin ng wasto sa mga programa at proyekto na nakalaan para sa mga kapwa niya katutubo.

“Sa bilang at datos ng Philippine Army at Philippine National Police, ang may pinaka maraming kapatid na nai-ingganyong lumaban sa pamahalaan ay mga katutubo, dahil sila’y tunay na napapabayan minsan ng pamahalaan,” ayon kay Dolor.

Nagpakuha ng larawan si IPMR Ahop Agate at ang kanyang pamilya kasama si Judge Erwin Dimayacyac matapos makapanumpa bilang kinatawan ng mga katutubong Mangyan sa Sangguniang Panlalawigan. (Kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

Samantala, nagmungkahi din si Dolor kay Department of Education (DepEd) Oriental Mindoro Superintendent Susan Bautista ang mga programa sa nasabing sektor para sa tatlong taon. Ilan dito ay kailangan na ang isang barangay ng katutubo ay magkakaroon ng kumpletong pampublikong baitang sa elementarya na magsisimula ngayong taon ng panuruan.

Handa aniya ang Kapitolyo na magbigay ng pondo para sa mga karagdagang silid-aralan kung kinakailangan.

Sunod dito ay kailangan magkaroon ng mga gusali para sa sekondaryang paaralan sa kada-tatlong cluster ng barangay sa nasasakupang lugar ng mga katutubo.

Panghuli, mula sa 231 iskolar at 63 kawani ng pamahalaan na mga katutubo ay dodoblehin anya ito sa susunod na tatlong taon.

Dagdag pa nito, “kaya aniya may IPMR dahil ang 10% ng populasyon ng lalawigan ay kinabibilangan ng mga katutubong Mangyan kaya marapat lamang na ang 10% nito ay manggagawang katutubo.”

Dahil dito ay pagpupursigihan ng pamahalaang panlalawigan na mabigyan ng magandang kalidad na edukasyon ang naturang sektor para sa hinaharap ay mapabuti ang kanilang buhay upang maging ‘Zero Illiteracy’ sa darating na taong 2028. (DN/PIA-OrMin)

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch