TUGUEGARAO CITY, Cagayan (PIA) - - Nakahanda na ang iba’t ibang ahensiya na kabilang sa Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (CVRDRRMC) sa posibleng epekto ng banta ng bagyong #FloritaPH.
Sa isinagawang pagpupulong kanina, sinabi ni Office of the Civil Defense (OCD) Regional Director Leon DG Rafael Jr na nasa Red Alert Status na ang Operations Center ng CVRDRRMC kanina pang ala-singko ng hapon.
Sinabi nito na mahigpit nang ipinatutupad ang ‘No Sail, No Fishing and No Swimming Policy’ sa mga ilog at dagat na nasasakupan ng rehiyon.
Binigyan niya rin ng direktiba ang mga Provincial at Municipal DRRMCs na magsawaga na kani-kanilang pagpupulong sa lebel nila at pinayuhan na ihanda na ang mga response assets, relief, medikal at iba pang suplay.
Dagdag pa dito na dapat handa na rin ang mga evacuation centers kung sakaling magpatupad ng mga pre-emptive evacuation sa mga apektadong bayan.
Sa pinakahuling update ng PAGASA, sinabi ni PAGASA Weather Specialist Romeo Ganal na bahagyang lumakas ang bagyong #FloritaPH habang kumikilos sa Kanluran Timog-Kanluran sa Philippine Sea sa Silangang bahagi ng lalawigan ng Cagayan sa bulletin dito kaninang 5 ng hapon, ika-21 ng Agosto.

Aniya, ang lokasyon ng sentro ng bagyo base sa pinakahuling tala ng PAGASA kaninang alas-kwatro ng hapon ay nasa layong 540 kilometro sa Silangang bahagi ng Tuguegarao City, Cagayan.
Nakataas na ang Signal Number sa ilang mga bayan ng mga lalawigan ng Isabela at Cagayan base sa pinakahuling bulletin ng PAGASA ngayong araw.
Nasa ilalim ng Signal Number 1 ang Silangang Bahagi ng Isabela na kinabibilangan ng Dinapigue, Palanan, Divilacan, Maconacon, San Pablo, Cabagan, Tumauini, City of Ilagan at San Mariano.
Nasa ilalim din ng Signal Number 1 ang Silangang Bahagi ng Cagayan na kinabibilangan ng mga bayan ng Baggao at Peñablanca. (MDCT/PIA Cagayan)