LUNGSOD NG SAN CARLOS (PIA) - Pormal na pinasinayaan ng pamahalaang panlungsod ng San Carlos ang gusaling itinalaga para sa programang Responsible Parenthood at Family Planning-Population and Development (RPFP-POPDEV).
Pinangunahan ang seremonya nina Mayor Julier “Ayoy” Resuello, Commission on Population and Development-I Regional Director Erma Yapit, Ellsworth Gonzales ng Provincial Population, Cooperative and Livelihood Development Office (PPCLDO), City Population Officer Dr. Luisa Cayabyab at mga pinuno ng iba’t ibang departamento at ahensya ng lungsod.
Pinangunahan ni Rev. Jeffrey Segovia ang pagbabasbas ng gusali.
Sa 2020 Census of Population and Housing na inilathala ng Philippine Statistics Authority, ang lungsod ng San Carlos ang pinakamataong lungsod sa rehiyon na may kabuuang populasyon na 205,424 o hindi bababa sa anim na porsyento ng kabuuang populasyon ng lalawigan ng Pangasinan.
Dahil sa malaking populasyon nito, isinakatuparan ang pagtatayo ng gusali ng RPFP-POPDEV upang magkaroon ng isang lugar para sa mga tao na magkaroon ng mas mahusay at mabilis na access sa impormasyon at mga serbisyo na may kaugnayan lalo na sa kanilang kalusugan, kabilang ang reproductive health.
Nabanggit naman ni Mayor Resuello na “Ang San Carlos City ay nasa mabuting kamay," habang kinikilala ang pagtutulungan, pagsisikap at malakas na suporta ng kanyang mga kasamahan at kaakibat sa mahusay na pagtukoy at pagtugon sa mga pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.
Sa kanyang mensahe, hinikayat pa niya ang lahat na patuloy na magtulungan sa pagpapa-unawa at pagpapataas ng kamalayan ng mga San Carlenian sa pagpaplano ng pamilya bilang mahalagang istratehiya upang mapalakas ang mga pamilya at komunidad.
Ang proyektong ito ay hindi lamang nakatulong nang malaki sa mga residente sa paglipas ng mga taon kundi naging daan din para mabigyan ang lungsod ng San Carlos ng pagkilala ngayong taon sa Kaunlarang Pantao Awards.
Sa pagkakatatag ng gusaling ito ay mas palalakasin ng City Population Office sa pagsasagawa nito ng iba't ibang mga hakbang na may kaugnayan sa populasyon tulad ng mga sesyon ng RPFP, Pre-Marriage Orientation and Counseling (PMOC) at Couples’ Trail; mga pagsasanay/symposia/oryentasyon para sa mga kabataan; at POPDEV orientations/workshops at capacity building.
Ang gusali ng RPFP-POPDEV ay bukas na sa publiko mula alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon mula Lunes hanggang Biyernes. (JCR/AMB/RNM/PIA Pangasinan)