No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Casa Real de Malolos National Shrine, muling isinailalim sa konserbasyon

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Puspusan ang ginagawang konserbasyon sa Casa Real de Malolos National Shrine ng National Historical Commission of the Philippines o NHCP.
 
Ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng malawakang konserbasyon ang nasabing dambana mula nang ilagak dito ang Museo ng Kasaysayang Pampulitika ng Pilipinas noong 2016.
 
Ayon kay Antonia Jimenez, kurador ng museo, may halagang 899 libong piso ang ginugugol dito na target matapos sa Nobyembre 2022.
 
Pansamantalang sarado ang museo upang bigyang daan ang konserbasyon.
 
Kabilang sa mga ginagawa ang pagpapalit ng polycarbonate sheets sa veranda, rehabilitasyon ng mga canopies, pagsasa-ayos sa mga butas ng mga bubong, paglalagay ng mga kemikal kontra anay sa mga hamba ng mga pinto, bintana at sa lahat ng mga bahagi ng museo na gawa sa kahoy.
 
Ang likuran ng monumento ni Jose Rizal na nakatindig sa gilid ng Casa Real de Malolos ay lalagyan naman ng Bamboo backdrop.
 
Base sa mga batayang pangkasaysayan ng NHCP, dito unang ginunita ang Araw ni Rizal noong Disyembre 1898.
 
Kaya naman mula noong 2010, bilang pagkilala sa kahalagahan ng lugar, dito ginaganap ang mga programang pang-alaala para kay Rizal.
 
Mahaba at malalim ang naging papel ng Casa Real de Malolos mula sa pagiging tanggapan ng mga naging gobernadorcillio ng Malolos noong panahon ng mga Kastila.
 
Nagsilbing Pambansang Palimbagan noong panahon ng Unang Republika ng Pilipinas, kung saan naimprenta ang Saligang Batas ng 1899, La Independencia, El Heraldo De La Revolucion, at ang Kalayaan at Kabigan ng Bayan. (CLJD/SFV-PIA 3)

Puspusan ang ginagawang konserbasyon sa Casa Real de Malolos National Shrine ng National Historical Commission of the Philippines. (Shane F. Velasco/PIA 3)

About the Author

Shane Velasco

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch