No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

KWF idinaos ang Araw ng Parangal 2022

LUNGSOD NG MAYNILA (PIA) -- Binigyang pugay ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang mga indibidwal, organisasyon, institusyon, at pangkat na may mga natatanging ambag sa pagpapalawak ng mga programang pangwika at kultura, at pag-iingat ng Filipino at iba pang wika sa Pilipinas lalo’t higit ang katutubong wika sa Araw ng Parangal 2022.

Ito ay ginanap noong Agosto 30-31, 2022 sa Grand Ballroom, Hotel Lucky Chinatown at Diamond Hotel sa Lungsod ng Maynila.

Ang tema ng selebrasyon ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong taon ay “Filipino at mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha.”

Sa pagsasara ng mga serye ng programa kaugnay sa selebrasyon, isinagawa ng KWF ang taunang pagpaparangal ng Sanaysay ng Taon, Selyo ng Kahusayan sa Wika at Kultura, Kampeon ng Wika, at Dangal ng Wika.

Pagtanggap ng parangal ni Precioso M. Dahe Jr. bilang Mananaysay ng Taon 2022

Sanaysay ng Taon 2022

Pinarangalan bilang Mananaysay ng Taon 2022 si Precioso M. Dahe Jr. para sa kanyang natatanging sanaysay na "Mga Pagbabantayog sa Paglalakbay, Mga Tungkulin sa Udtuhang Pamumundok: Ang Kapangyarihang Alpinismo ng Wikang Filipino sa Pagbuhay ng Kalinangan at Katutubong Gugud."

Nagkamit ng ikalawa at ikatlong karangalan sina Ariel U. Bosque at Christine Marie Magpile. Iginawad naman ang Karangalang Banggit kina David Michael M. San Juan, Joanah Pauline L. Macatangay at Romeo M. Peña para sa timpalak ng Sanaysay ng Taon 2022.

Selyo ng Kahusayan sa Wika at Kultura

Ang Selyo ng Kahusayan sa Wika at Kultura ay isang pagpapatunay at pagkilala sa iba't ibang Sentro ng Wika at Kultura (SWK) sa bansa na maayos na ipinatutupad ang mga programang tampok ang wika at kultura.

Ang Cebu Normal University, Central Bicol State University of Agriculture, Mariano Marcos State University, Marinduque State College, Palawan State University, at Western Mindanao State University ang nakatanggap ng parangal.

Mensahe mula kay Gaudencio L. San Juan, Natatanging Pagkilala Kampeon ng Wika 2022

Kampeon ng Wika 2022

Samantala, ang Kapisanang Diwa at Panitik (KADIPAN) at University of California Berkeley (Filipino Language Team) naman ay ang mga organisasyon na nagpamalas ng mga katangian upang hiranging mga Kampeon ng Wika 2022.

Iginawad din ang parehong parangal sa mga sumusunod na indibidwal na naging tulay upang mas mapayabong at mapalaganap ang mga gawaing pangwika - Romeo G. Arcilla (John Arcilla), Niles Jordan D. Breis, Edwin R. Mabilin, at Melchor E. Orpilla.

Binigyan naman ng Natatanging Pagkilala si G. Gaudencio L. San Juan kaugnay sa kanyang mga pribadong krusadang pangkultura at mga adbokasiyang pangwika na kapaki-pakinabang sa pagpapauland ng Filipino at mga wika sa Pilipinas. Masigasig si G. San Juan sa pagpapayabong ng ating wika at isa sa kanyang mga paraan ay ang pagtatag ng Kapatiran ng mga Kawal na Makawikang Pilipino o KAKAMPI.

Dangal ng Wika 2022

Ang Dangal ng Wika 2022 ay isang mataas na karangalang iginawad sa Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP) at mga indibidwal na sina Lilia F. Antonio, Raul C. Navarro, Gov. Carlos M. Padilla, at Norberto L. Romualdez Sr. (Postumo) para sa kanilang makabuluhang ambag sa pagsulong at papapalawig ng mga proyekto na may kaugnayan sa Filipino gayundin sa katutubong wika sa iba't ibang larangan o sektor.

Mensahe mula sa Pangulo ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP) Dr. Jayson D. Petras

Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko

Kinilala rin sa Araw ng Parangal 2022 ang iba’t ibang pampublikong tanggapan at institusyon na naging katuwang ng Komisyon sa pagtataguyod ng Filipino bilang wika ng serbisyo publiko. Ang Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko 2022 ay ipinagkaloob sa 29 ahensiya at lokal na yunit ng pamahalaan. Ang antas ng pagkilala ay batay sa mga pamantayan na inilahad ng KWF. Ang Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko ay nahahati mula Antas I hanggang Antas IV.

Ang mga programa at kontribusyon ng Pamahalaang Lungsod Mandaluyong at Pamahalaang Lungsod Taguig ay binigyang pugay sa paggawad ng Dangal Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko 2022

Bagama’t opisyal nang nagtapos ang Buwan ng Wikang Pambansa, ang KWF ay patuloy ang pagtugon sa mandato ng Pandaigdigang Dekada ng mga Katutubong Wika 2022-2032 (International Decade of Indigenous Languages o IDIL 2022-2032).

Ang Komisyon ay magdaraos ng Pambansang Kongreso sa Nanganganib na Wika sa Oktubre 24-26, 2022 sa Pambansang Museo, Lungsod Maynila.  (MVV – PIA CPSD)

About the Author

Maria Viktoria Viado

Information Officer

Central Office

Information Officer I

Creative Production Services Division

Philippine Information Agency

Visayas Ave., Diliman, Quezon City 

Feedback / Comment

Get in touch