No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Regional Skills Competition ng TESDA, isinagawa sa Bansud

Regional Skills Competition ng TESDA, isinagawa sa Bansud

Nagpakitang gilas ang kalahok sa Bakery na si Yllona Jane Ylagan (kaliwang larawan) kasama ang dalawa pang katunggali sa kanyang likurang bahagi habang ipinapakita ni Alona Jane Malicsi (kanang larawan) kung paano niya inihahanda ang mga sangkap sa pagluluto sa larangan ng Cooking. (Kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)
Isa sa tatlong kalahok (itaas na larawan) ang nagpamalas ng kanyang diskarte sa paginstilasyon ng kuryente sa larangan ng Electrical Installation habang naka masid naman ang mga coaches (ibabang larawan) sa kanilang representante mula sa Romblon sa larangan ng Welding. (Kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Matapos maglaban-laban sa pitong larangan ang nasa humigit-kumulang 50 kalahok mula sa rehiyon para sa provincial level ng Provincial Skills Competition ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Mimaropa, 13 na lamang ang natirang nagtatagisan ng talino para sa Regional Skills Competition (RSC) sa loob ng dalawang araw na kompetisyon na ginanap sa Simeon Suan Vocational and Technology College (SSVTC) sa bayan ng Bansud kamakailan.

Sa naturang kompetisyon, ang mga larangan na sinalihan ng mga kalahok kasama ang kanilang mga coaches na nagmula sa 12 paaralan na may akreditasyon ng TESDA ay ang fashion technology, cooking, electrical installation, restaurant services, bakery, welding at automotive technology.

Dahil naman sa iisa ang kalahok na nagwagi sa provincial level sa larangan ng pagluluto na si Alona Jane Malicsi, fashion technology na si Joyce Restua at Cleford John Manuel para sa restaurant services na lahat ay nagmula sa Oriental Mindoro, otomatiko na sila ay susulong sa susunod na kompetisyon sa National level para sa National Skills Competition.

Samantala, sa pagtatapos ng RSC na siyang susulong para sa National Skills Competition ay si Jombee Ramos ng Marinduque para sa kategoryang Electrical Installation kasama ang sumungkit ng ikalawang pwesto na si Joshua Almarez mula sa Oriental Mindoro at ang pumangatlo ay si Abner Jimenez, Jr. na nagmula sa Palawan.

Sa larangan ng Automobile Technology, tinanghal na kampeyon ang taga Romblon na si James Patrick Meren at pumangalawa ay si Justin Ed Pestaño ng Oriental Mindoro habang sa welding ay ibinulsa ni Arvin Jay Mendoza ng Oriental Mindoro ang unang pwesto na sinundan ni Jonvie Marquina na mula sa Romblon.

At panghuli ay sa larangan ng Bakery na pinangunahan ni Archear Obligar mula Palawan na sinegundahan ni Nikko Vien Habigo ng Marinduque at Yllona Jane Ylagan na galing Oriental Mindoro.

Malugod na pagbati ang ipinaabot ni TESDA Mimaropa Regional Director Rosalina P. Reyes sa mga nagwagi at kanilang coaches na ang kanyang panawagan ay patuloy na suportahan ang mga kinatawan ng rehiyon na sasabak sa National Skills Competition na gaganapin sa darating na Nobyembre. (DN/PIA-OrMin)

Ipinapakita ni Joyce Restua na solong nasungkit ang titulo sa larangan ng Fashion Technology ang kanyang sistema sa pag gawa ng isang kasuotan sa ginanap ng Regional Skills Competition ng TESDA Mimaropa kamakailan. (Kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch