LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Isa sa mga pangunahing layunin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ay ang makapagbigay ng serbisyo sa lahat ng sektor ng lipunan.
Kaugnay nito, opisyal nang inilunsad kamakailan ng DICT-MIMAROPA ang ika-apat nitong Tech4ED Center na nasa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) facility sa MIMAROPA noong Setyembre 3. Nakipagtuwang ang ahensiya sa BJMP at BJMP San Jose District Jail.
Naging posible ang naturang gawain sa pakikipagugnayan ni DICT-MIMAROPA Regional Director Cheryl Ortega sa BJMP at kay Warden JSINSP Bryan Ian Paul A. Rañada.
Sa pagtatayo ng mga pasilidad gaya ng Tech4ed centers sa mga kulungan, nagkaroon na ng kakayahan makakuha ng ICT-enabled services ang mga ito sa kabila ng kanilang sitwasyon. Kabilang sa mga serbisyong ipinagkakaloob ay ang Electronic Dalaw o virtual visitations, Tele-Hearing or Online Hearing of Criminal Cases, Electric Legal Consultation, Tele-Psychology, at Tele-Medicine consultation. (JJGS/PIA MIMAROPA)
Ang mga inmates of Persons Deprived of Liberty (PDL) habang nakikinig sa symposium ng isang kawani mula DICT. (Larawan mula DICT-MIMAROPA Facebook page.)