PUERTO PRINCESA, PALAWAN, (PIA)--Naging matagumpay ang Kick Off ceremony ng Nationwide Simultaneous Tree Planting Activity sa Barangay Santa Lourdes, Puerto Princesa City noong September 13, 2022 sa pangunguna ng Department of Interior and Local Government, Department of Agriculture at Department of Environment and Natural Resources na may temang “Buhayin ang Pangangalaga sa Kalikasan”.
Dalawang lugar ang napili pagganapan ng Tree Planting Activity, ito ay sa Palawan Quicksilver Mines, Inc. (PQMI) Rehabilitation Project na kailangang magkaroon muli ng mga puno sa walong ektaryang lupain na dating minahan at Montible Planting Site na siya ring watershed ng siyudad. Nasa isang libong puno ang naitanim na kinabibilangan ng Ipil, Molave, Narra, Bangkal, Balayong at Japanese Bamboo.
Ayon kay DILG Palawan Provincial Director Virgilio Tagle, ginawa ang tree planting para mamintina o mapaunlad pa ang ekolohiya na nakasaad sa ating Saligang Batas na dapat protektado ang ating mga mamamayan para sa isang magandang kalikasan.
“Sa mga kababayan natin sa Palawan, dapat alam natin ang kahalagahan ng kalikasan, alam naman natin na kapag ang kalikasan ay hindi natin napangalagaan, ang balik niyan ay sa atin din, sa mga kababayaan natin, kaya importante ‘yung kapakanan ng kasalukuyang henerasyon at mas higit na importante ‘yung susunod pa na henerasyon ang ikinokonsidera natin dito, sustainable development ika nga” giit pa ni Tagle.
Dumalo rin sa gawain sina Palawan Governor Dennis Socrates, DENR MGB Regional Director Glenn Marcelo C. Noble, City Administrator Atty. Arnel Pedrosa bilang kinatawan ni Mayor Lucilo Bayron, City Councilor Jimmy Carbonell, City Councilor Luis Marcaida III, mga mining companies, mga kawani mula sa DENR-PENRO, PNP, PCG, at pang iba government agencies. (MCE/PIA MIMAROPA)