ROSALES, Pangasinan (PIA) – Ang Professional Regulation Commission (PRC) – Regional Office I ay nag-anunsyo ng pagsasagawa ng licensure examination para sa social workers na gaganapin sa Setyembre 19, 20, at 21, 2022.
Binubuo ng 71 examinees sa Rehiyon Uno ang kukuha ng nasabing pagsusulit na isasagawa sa Casanicolasan Elementary School sa Rosales, Pangasinan.
Sa panahon ng eksaminasyon, inaatasan ang mga examinees na dalhin ang kanilang Notice of Admission (NOA), mga lapis (No. 2), ball pens (itim na tinta lamang), isang pirasong mahabang brown na sobre, isang pirasong mahabang transparent (hindi kulay) na plastik na sobre (para sa pag-iingat ng mga mahahalagang bagay at iba pang mga pinahihintulutang bagay), ang nasagutan na Informed Consent Form and Health Declaration Checklist (Annexes A at B na mada-download sa www.prc.gov.ph).
Sa nasabing pagsusulit ay pinapayuhan din na magdala ng kanilang sariling tanghalian at meryenda ang mga kukuha ng pagsusulit dahil hindi sila papayagang lumabas ng silid ng pagsusulit tuwing break at tanghalian.
Dagdag pa ng PRC, mahigpit na pinapayuhan ang mga examinees na basahin ang special instruction at advisory sa kanilang NOA, bisitahin at tingnan ang kanilang Room Assignment sa opisyal na website ng PRC: www.prc.gov.ph nang hindi bababa sa tatlo hanggang limang araw bago ang nakatakdang eksaminasyon at i-download ang Examination Program.
Pinapayuhan din silang basahin ang PRC-PNP-DOH Joint Administrative Order No. 01 Series of 2021 o ang Revised Standard Guidelines on the Strict Observance of Health Protocols in the Conduct of Licensure Examinations during Public Health Emergency and/or Pandemic, bilang gabay.
Para sa iba pang mga katanungan, maaaring makipag-ugnayan ang mga kukuha ng pagsusulit sa kanilang e-mail: ro1.lrd@prc.gov.ph o ro1.examination@prc.gov.ph. (JCR/AMB/RPM, PIA Pangasinan)