LUNGSOD NG PALAYAN (PIA) -- Ipinagkaloob ng National Commission on Indigenous Peoples o NCIP ang Certificate of Recognition of Ancestral Domain sa ilang mga katutubo sa Gitnang Luzon.
Ayon kay NCIP Commissioner for Region 3 and Rest of Luzon Rhodex Valenciano, napakahalaga ng sertipikasyong ito bilang patunay na pagmamayari ng mga katutubo ang kanilang mga lupaing ninuno.
Ito din aniya ay hakbang ng ahensya habang hinihintay na magkaroon ng titulo o Certificate of Ancestral Domain Title.
Sa Nueva Ecija ay tinanggap ng Kalanguya Indigenous Peoples o IPs ang sertipiko bilang kinikilalang may-ari ng humigit 25,000 ektaryang lupaing ninuno na matatagpuan sa mga barangay ng Capintalan, Minuli, Salazar at Putlan sa bayan ng Carranglan.
Gayundin ay ipinagkaloob sa Alta IPs ang sertipikong naglalaman na kanilang karapatan ang pag-aari sa 13,000 ektaryang lupain na matatagpuan sa mga barangay ng Digmala, Labi at Calaanan sa bayan ng Bongabon.
Kabilang din sa mga tumanggap ng sertipiko ang Dumagat IPs na nagmamay-ari ng humigit 5,000 ektaryang lupaing ninuno na matatagpuan sa bahagi ng barangay Pinamalisan sa Gabaldon, Nueva Ecija at bahagi ng mga barangay Butas na Bato at Matawe sa Dingalan, Aurora.
Bukod pa ang sertipiko na tinanggap ng mga Dumagat IPs mula sa Bulacan na kinikilalang may-ari ng ancestral domain na matatagpuan sa sitio Karahume sa barangay San Isidro sa lungsod ng San Jose del Monte.
Maging ang bahagi ng sitio Sapang Munti sa barangay San Mateo sa Norzagaray gayundin ang bahagi ng sitio Laco-Licao, sa barangay Macabod sa Rodriguez, Rizal na may kabuuang lawak na humigit 1,817 ektarya.
Lubos ang pasasalamat ng mga katutubo sa NCIP dahil sa nagbungang pangarap at pagsisikap upang maitaguyod ang sariling pagkakakilanlan ng sektor at pangangalaga sa lupaing ninuno.
Pahayag ni Bongabon Indigenous Peoples Mandatory Representative Joel Bacdayan, mahalaga ang dokumentong ito na magagamit sa mga usaping legal tulad ang pagbibigay proteksiyon mula sa mga nararanasang panggigipit at panghihimasok sa lupaing ninuno.
Ngayon aniya mas kailangan ng mga katutubo ang tulong ng mga sangay ng pamahalaan upang masiguro ang pag-unlad ng mga ancestral domain ng mga katutubo.
Ayon naman kay Wishful Ancestral Domain Association of Kalanguya Chairman Romy Paay, lahat ng mga katutubong Pilipino ay pangarap na kilalanin ang mga lupaing ninuno na ngayon ay natupad at naibigay ng komisyon.
Makaaasa aniya ang lahat na ito ay pahahalagahan ng mga katutubo sa bayan ng Carranglan gayundin ay mahusay na ipatutupad ang mga programang ibinababa ng pamahalaan. (CLJD/CCN-PIA 3)
Lubos ang kasiyahan at pasasalamat ng Kalanguya Indigenous Peoples mula sa lalawigan ng Nueva Ecija na kabilang sa mga nakatanggap ng Certificate of Recognition of Ancestral Domain mula sa National Commission on Indigenous Peoples bilang pagpapatunay ng pagmamay-ari sa lupaing ninuno. (Camille Nagaño/PIA 3)