No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

DA-MIMAROPA, namahagi ng fuel discount cards sa OccMdo

Malaki ang naging pasasalamat ng mga magsasaka at mangingisda na nakatanggap ng ayuda mula sa DA RFO Mimaropa at BFAR Mimaropa. Anila, makakabawas ito as mga gastusin nila lalo na ngayon na mataas ang bilihin ng mga produkto at krudo. (Larawan mula DA RFO Mimaropa)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro -- Namahagi ng subsidiya para sa abono at krudo sa mga magsasaka at mangingisda kamakailan ang Kagawaran ng Pagsasaka-Mimaropa sa lalawigan ng Occidental Mindoro sa pangunguna ni OIC-Regional Executive Director Engr. Ma. Christine C. Inting.

Tinatayang nasa P1.9M ang halaga ng fuel discount na naipamahagi sa mga magsasaka ng mais at balinghoy sa naturang lalawigan.

Ito ang kauna-unahang pamamahagi ng fuel discount card sa probinsya na ginanap noong Setyembre 12 hanggang Setyembre 15.

Ang naturang fuel discount cards ay naglalaman ng P3,000.00 na maaari lamang magamit sa pagbili ng krudo upang magamit sa mga makinarya at iba pang aparato sa pagsasaka ng mais at balinghoy. Maaari lamang ito gamitin sa accredited na gasoline stations na may Point-of-Sale (POS) terminals.

Sa tala, umabot sa 655 na magsasaka ang nakatanggap ng naturang ayuda, 4 ang mula sa bayan ng San Jose; 13 sa Calintaan, 25, Sablayan, 65 mula Abra De Ilog, 34 sa Sta. Cruz, 3 sa Rizal at ang may pinakamalaking populasyon ng magsasaka na nakatanggap ng ayuda ay mula sa Mamburao na may 498 bilang na magsasaka na nakatanggap ng subsidiya.

Kaalinsabay naman ng pamamahagi sa mga magsasaka ay ang pamamahagi rin ng fuel discount cards sa mga mangingisda. Naglaan ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Mimaropa ng P1,182,000.00 halaga ng discount cards sa 394 na mangingisda sa lalawigan.

Bukod sa naging pamamahagi ng naturang subsidiya, namahagi rin ng P2,000.00 na halaga ng fertilizer voucher sa mga rehistradong magsasaka ng mais at balinghoy.

Umabot sa P538,000.00 ang halaga ng naturang fertilizer na naipamahagi sa 269 na magsasaka mula sa mga bayan ng San Jose, Rizal at Sta. Cruz. (JJGS/PIA-MIMAROPA)


Larawan sa pinakataas na bahagi mula DA-RFO Mimaropa.

About the Author

Juanito Joshua Sugay

Information Officer II

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch