DAET, Camarines Norte (PIA) – Nagtapos ang 25 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Camarines Norte ng crash course sa idinaos na graduation ceremonies ng mga magsasakang nagsanay sa integrated farming ng palay sa Barangay Borabod sa bayang ito.
Ang 25 ay nagtapos sa isinagawang Palay Check and Rice-Based Integrated Farming na nakatuon sa Climate-Smart Farm Business School sa ilalim ng Major Crop-Based Block Farm Productivity Enhancement Project ng DAR katuwang ang Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) ng pamahalaang panlalawigan.
Ayon kay Chief Agrarian Reform Programme Officer Alicia A. Almacin, Program Beneficiaries Development Division ng DAR, ang ibinigay na makinaryang sasakyan ng DAR ay kanilang magagamit sa pagsasaka na dapat pag-ibayuhin at ingatan. Sa mga magsasaka rin mapupunta ang kita ng makinarya na maaari pang makabili ng iba pang kagamitan.
Ang mga magsasaka ay mga miyembro mula sa mga barangay ng Borabod, Awitan at Bagasbas Rice Growers Association (BABRGA) ng naturang bayan.
Nagpasalamat si Meliandro A. Eboña, punong barangay ng Awitan at kasama sa mga nagtapos ng pagsasaka dahil sa pagbibigay sa kanila ng karunungan upang madagdagan pa ang kaalaman at habambuhay nila itong mapapakinabangan at maibabahagi rin sa mga kapwa magsasaka.
Ayon naman kay Analyn C. Ubana ng Barangay Borabod, nabigyan sila ng pagkakataon na matutunan ang iba pang kaalaman sa agrikultura at magkaroon ng magandang ani.
Ang mga magsasaka ay nagsanay simula Hunyo 21 hanggang Setyembre 22 ng farming field school sa produksiyon ng palay kung saan pinag-aralan ang pagtatanim hanggang sa pag-ani na pinangasiwaan ng DAR at Opag.
Tinuruan sila ng tamang pangangalaga para malaman ang kritikal na kadahilanan upang may kamalayan na sila kung paano iingatan at aalagaan ang mga gagawin sa tanim na palay.
Isinagawa rin ang monitoring upang malaman ang dami o anumang insekto na nakakasira o nakakatulong na maprotektahan ang kanilang mga tanim na nagiging dahilan ng pagbaba ng ani.
Pinag-aralan naman ang klima o kondisyon ng panahon dahil sa epekto ng climate change kung saan ibinabagay ang mga palay na maaaring itanim sa tamang panahon.
Natutunan rin ang mga paraan upang mapataas o madagdagan ang kanilang kita at maipagpatuloy ang mga gawain hindi lang sa pagsasaka kundi maging sa iba pang pangkabuhayan ganundin ang makabagong teknolohiya sa sektor ng agrikultura.
Ang Camarines Norte ay mayroong 63 Agrarian Reform Beneficiaries Organizations (ARBO) na may kabuuang 17,079 na miyembro mula sa ibat-ibang bayan sa lalawigan. (PIA5/ Camarines Norte)