DAET, Camarines Norte, Setyembre 26 (PIA) – Umabot sa kabuuang 586 pamilya o 2,272 indibidwal ang inilikas at inihatid sa mga evacuation center matapos sumailalim sa Signal No. 3 ang mga bayan ng Vinzons, Jose Panganiban, Paracale at Capalonga at Signal No. 2 ang mga karatig bayan dahil sa bagyong Karding.
Ito ay sa isinagawang pre-emptive evacuation ng mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng bawat bayan katuwang ang kasundaluhan ng Philippine Army (PA).
Ito ang mga lugar na nasa coastal municipalities o mga nakatira sa mga tabing dagat ganundin ang mga nasa mababang lugar na madalas tumaas ang tubig o nagkakaroon ng pagbaha dahil sa labis na pag-ulan.
"Sa ngayon ay wala ng bagyo sa Camarines Norte at maganda na ang panahon, ngunit nagsagawa pa rin ang Incident Management Team (IMT) ng pamamahagi ng relief goods sa buong lalawigan," ayon kay PLtCol. Rogelyn C. Peratero, operations section chief ng IMT.
Aniya, ginawa pa rin nila ito kahit wala pang masyadong humingi ng tulong sa pamahalaang panlalawigan at IMT. Ang mga lokal na pamahalaan naman ang nagsasagawa ng clearing operation sa kanilang mga lugar at patuloy rin ang pagkalap ng datos ng mga naapektuhan ng naturang bagyo.
Ayon pa kay Peratero, ang anim na nawawalang mangingisda ay nasa mabuting kalagayan kung saan ito ay nakapagdaong sa isla ng Butawanan sa Camarines Sur sa kasagsagan ng bagyo at maaari na itong bumalik sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte kapag bumaba na ang alon sa dagat.
Samantala, kahapon pa lang ay nabigyan na ng mga food packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DWSD) ang mga nasa evacuation centers.
Ngayong araw naman ay ang pamahalang panlalawigan ang mamamahagi sa mga barangay ng relief mga pangunahing pangangailangan habang inuuna muna ang mga malalayong lugar na naapektuhan ng bagyo. (PIA5/ Camarines Norte)