CALAUAG, Quezon- May 2,495 na magpapalay mula sa mga bayan ng Calauag at Tagkawayan, Quezon ang tumanggap ng tig-P5,000 sa ilalim ng patuloy na pagpapatupad ng Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA) program ng Department of Agriculture (DA) noong ika 22-23 Setyembre.
Ayon kay Radel Llagas, Information Officer ng Department of Agiculture-4A, ang RCEF-RFFA ay alinsunod sa Republic Act (RA) No. 11203 o “Rice Tariffication Law (RTL)” at RA No. 11598 o “Cash Assistance for Filipino Farmers” na naglalayong magkaloob ng direktang suportang pinansyal sa mga kwalipikadong magpapalay mula sa mga labis na taripang nalikom sa mga naangkat na bigas ng bansa.
Ayon naman kay DA IV-CALABARZON OIC-Regional Executive Director Milo Delos Reyes, ang halagang natanggap ng mga magsasaka ay maaaring gamiting pambili ng abono, binhi at iba pang pangangailangan.
Samantala, siniguro ni Congressman Mike Tan na patuloy na bibigyang pansin ang mga magsasaka sa kongreso kung kaya patuloy din na magpapatupad ng mga batas na tiyak na makakatulong sa mga magsasaka kagaya ng RCEF-RFFA.
Dahil sa programa, nagpahayag ng pasasalamat ang mga magsasaka ng palay na tumanggap ng tulong kagaya ni Juanita Petalcoren, isang magpapalay sa Tagkawayan
“Dahil sa limang-libong ito, may pambili na ako ng abono at mga kagamitan na kailangan ko tulad ng pang-spray sa damo at iba pa. Malaki ang aking pasasalamat kasi noon pa man, kaming mga magsasaka sa Tagkawayan ay hindi pinapabayaan ng DA,” sabi pa ni Petalcoren
“Ako po’y natutuwa dahil tinutulungan kami ng mga taga-DA na mag-asikaso ng mga papel na kailangan para makakuha rin nitong limang-libo. Nagpapasalamat ako hindi lang dahil kami’y nabigyan kundi dahil ramdam namin na kami ay sinasamahan,” sabi naman ni Romnick Par, magpapalay sa bayan ng Calauag, Quezon. (RMO/PIA-Quezon may ulat mula kay Radel Llagas-DA-4A)