No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Luzviminda Level 3 Water Supply System, pinasinayaan

PUERTO PRINCESA, PALAWAN, (PIA)--Pinasinayaan ng Puerto Princesa City Water District ang Luzviminda Level 3 Water Supply System noong September 28, 2022. Kabilang sa proyekto ang Infiltration Gallery sa Brgy. Sta. Lucia at ang Transmission Line mula  Brgy. Sta. Lucia patungo sa  Brgy. Luzviminda. Ang proyekto ay may kabuuang halaga na  P22,405,483, kung saan ang  P5,200,000 ay mula sa Pamahalaang Panlunsod ng Puerto Princesa.

Ayon kay PPCWD Board Chairman Atty. Winston Gonzales, dapat na pangalagaan ng mga residente ang kabundukan sa lugar para mapanatili ang pinagkukunan ng tubig dahil kung makakalbo ang kabundukan [o mauubos ang mga punong kahoy] ay mawawala ang tubig at babalikan sila ng kalikasan.

“Kaya ang pakiusap po namin ay pangalagaan natin ang kabundukan sa Luzviminda para mapanatili natin ang ating water source” giit pa niya.

Kaugnay nito ay hinikayat ni Mayor Lucilo R. Bayron ang mga residente ng Barangay Luzviminda na magpakabit na ng linya ng tubig dahil dumating na ang matagal na nilang hinihintay. Nangako rin siya na itutuloy ang proyekto hanggang sa katabing barangay na Barangay Mangingisda katuwang ang PPCWD.

Lubos naman ang pasasalamat ng mga residente ng Barangay Luzviminda dahil ito na ang sulosyon sa kanilang matagal nang problema na hindi regular na suplay ng tubig sa mga kabahayan at sa kawalan ng nagagamit na malinis at ligtas na tubig dahil marami sa mga residente ang sa poso lamang nanggagaling ang iniinom at ginagamit na tubig.

Samantala, nagsimula na rin agad ang pagtanggap ng PPCWD para sa mga bagong magpapakabit ng linya ng tubig at magkakaroon ng  One-Stop-Shop Activity sa October 4, 2022, sa Brgy. Luzviminda kaya ang mga interesado ay maaaring tumungo roon para mag-aplay.

Dumalo rin sa gawain sina Vice Mayor Nancy Socrates, City Councilor Elgin Damasco, Deputy Mayor for Luzviminda Rolando "Bong" Amurao, Punong Barangay Laddy Gemang ng Brgy. Luzviminda at iba pang kawani ng Pamahalaang Panlunsod. (MCE/PIA MIMAROPA)

About the Author

Michael Escote

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch