No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Pagtatayo ng E-Library Building ng BulSU, nakumpleto na

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) – Natapos na ang konstruksyon ng pitong palapag na E-Library Building sa Bulacan State University o BulSU Main Campus.
 
Isa itong modernong pasilidad na uubrang magamit sa iba’t ibang gawain at pagtitipong pang-akademiya at pangsibiko bukod sa pagiging isang aklatan.
 
Inilahad ni Marissa Parungao, head ng Project Management Office ng BulSU, may kabuuang 603.3 milyong piso ang ginugol dito mula sa mga pambansang badyet ng 2017 hanggang 2020.
 
Sa loob ng nasabing halaga, 78 milyong piso ang mula sa pambansang badyet ng 2017, 120.6 milyong piso noong 2018, 96.2 milyong piso noong 2019, at 308.5 milyong piso noong 2020.
 
Itinayo ang E-Library Building sa tapat ng main road ng campus na nakadugtong sa Manila North Road. Katumbas ng anim na palapag ang lalim ng mga pundasyon na ibinaon dito upang maitayo ang pitong palapag na gusali.
 
Ipinaliwanag ni Parungao na patunay ito ng katatagan ng istraktura na isa ring energy efficient.
 
Ang harapan ng bawat palapag nitong gusali ay dinisenyo na may malalaking bintana upang makapasok ang natural na liwanag mula sa sikat ng araw.
 
Matatagpuan sa unang dalawang palapag ang mga pangunahing pasilidad ng isang aklatan gaya ng general circulation habang nasa ikatlong palapag ang mga individual study rooms at ilalagak sa ikaapat na palapag ang tanggapan ng mga librarians.
 
Sa ikalimang palapag, mayroong small audio-visual room, discussion rooms, teleconference room at isang medium function hall na may kapasidad para sa 70 na katao.
 
Tampok sa ikaanim na palapag ang Cyber Hall na kasya ang 450 na katao na bawat isa ay makakagamit ng tig-iisang computer units.
 
Bubuksan naman sa ikapitong palapag ang isang teatro na may kapasidad para sa 250 na katao.
 
Katabi nito ang 250 seater na big function hall na uubrang magamit sa mga forums, symposiums, seminars at iba pang gawain na nangangailangan ng isang conducive venue.
 
Kaugnay nito, nauna nang sinabi ni  BulSU President Cecilia Gascon na bahagi ang imprastraktura upang higit na maihanda ang pamantasan sa makabagong pamamaraan ng pag-aaral ngayong Ika-21 siglo.
 
Tiniyak din niya ang pagkakaroon ng isang malakas at maasahang koneksiyon ng internet sa bagong pasilidad.
 
Samantala, target maging operational ang E-Library Building bago matapos ang taon. Makakasabay nito ang pagsisimula ng full face-to-face classes na inisyal nang sinimulan nitong Setyembre. (CLJD/SFV-PIA 3)

Nakumpleto na ang konstruksyon ng pitong palapag na E-Library Building ng Bulacan State University Main Campus. (Shane F. Velasco/PIA 3)

About the Author

Shane Velasco

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch