ODIONGAN, Romblon (PIA) -- Aabot sa mahigit 800 na mga matatanda mula sa labing-anim na bayan sa Romblon ang nakilahok sa ginanap na Annual Provincial Elderly Filipino Week Celebration sa bayan ng Calatrava, Romblon nitong October 6.
Sa panayam ng Philippine Information Agency - Romblon kay VIlma Fos ng Provincial Social Welfare and Development Office, layunin ng programa na kanilang inorganisa na patuloy na mainganyo ang mga matatanda na makilahok sa mga programa at aktibidad ng kani-kanilang lokal na pamahalaan.
Ang province-wide na selebrasyon ay unang beses ulit isinagawa matapos matigil ng dalawang taon dahil sa pandemya. May tema ang 34th Annual Provincial Elderly Filipino Week Celebration na Older Person: Resilient for Nation Building.
Naging highlight sa selebrasyon ang pagbibigay ng pagkilala sa mga natatanging senior citizen sa probinsya.
Si dating Vice Governor at outgoing Federation of Senior Citizens Association of the Philippines - Romblon president Alicia Fetalvero ay ginawaran ng Provincial Ulirang Nakatatanda Award dahil sa natatanging ambag nito sa asosasyon at sa probinsya.
Ang bayan ng Calatrava rin ang nakatanggap ngayong taon ng Provincial Ulirang Nakatatanda Award para sa group category.
Sinabi pa ni Fos na batay sa datos ng PSWDO, halos lahat ng senior citizen sa probinsya ay benepisyaryo ng social pension at iba pang programa ng pamahalaan.
"Karamihan sa mga members natin ay may social pension, nakatatanggap ng cash incentive program, cash for work, at iba pang programa," ayon kay Fos.
Dagdag pa nito, nagbibigay rin ang provincial government ng libreng gamot sa mga senior citizens na nangangailangan.
"Kami kasi, sa pagplano ng 1% budget ng Provincial Government para sa mga senior citizen at PWDs, involve talaga yan silang federation kung saan gagamitin 'yung budget," dagdag ni Fos.
Naging panauhin sa programa sina Governor Jose Riano at Vice Governor Armando Gutierrez na pawang nangako na patuloy na susuportahan ang mga senior citizen sa probinsya. (PJF/PIA Mimaropa)