No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

‘Serbisyong TAMA Calapan City Help Desk,’ inilunsad sa OMPH

Inilunsad kamakailan ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan ang ‘Serbisyong TAMA Calapan City Help Desk’ sa bahagi ng Malasakit Center na matatagpuan sa loob ng Oriental Mindoro Provincial Hospital upang mapaglingkuran ang mga Calapeño na maa-admit sa OMPH hanggang sa paglabas nito sa ospital. (Larawan kuha ng Mayor Tita Malou Flores-Morillo Official Facebook Page)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Matapos pasinayaan ay agad na inilunsad sa taongbayan ang programang ‘Serbisyong TAMA (TAumbayan and MAsusunod) Calapan City Help Desk’ sa pangunguna ni Mayor Malou Flores-Morillo at mga kasapi ng Liga ng mga Barangay upang magbigay serbisyo sa mga Calapeño na ginanap sa Oriental Mindoro Provincial Hospital (OMPH), Barangay Sta. Isabel sa lungsod na ito kamakailan.

Ang nasabing programa ay inisyatibo ng mga kapitan ng barangay sa lungsod bilang tugon sa mga pangangailangan ng mga Calapeño na maa-admit sa OMPH.

Ilan sa mga tulong na ipagkakaloob ng nasabing help desk ay ang pag-asiste para ma-admit ang pasyente hanggang sa paglabas nito sa OMPH na kabilang din ang pag tulong sa pagkuha ng mga laboratory test at bayarin sa ospital, gamot mula sa pamahalaang lungsod at pamahalaang panlalawigan. Gayundin ang suporta mula sa mga party-list at kongresista sa kongreso at iba pa na posibleng mapagkuhanan ng tulong.

Ang mga kawani ng Help Desk ng lungsod na handang tumulong sa mga Calapeñong naka admit sa OMPH para sa serbisyong pagkuha ng mga gamot at mga sinuri sa laboratory ng mga pasyente, pagbabayad sa ospital at iba pang tulong na kasama ang iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan na tumutulong naman sa mga pinansiyal na pangangailangan na matatagpuan sa isang lugar sa OMPH. (Larawan kuha ng Mayor Tita Malou Flores-Morillo Official Facebook Page)

Matatagpuan ang tanggapan ng Serbisyong TAMA Help Desk sa loob ng Malasakit Center sakop ng lugar ng OMPH

Samantala, sinabi ng Punong Lungsod, “Layunin namin dito ay mapaglingkuran ang bawat Calapeño at makapaghatid ng tama at sapat na serbisyo.”

Dumalo din sa nasabing okasyon si OMPH Chief of Hospital Dr. Dante Nuestro, Provincial Health Officer Dr. Cielo Ante, mga health care workers ng lungsod at iba pang doktor at kawani ng naturang pagamutan. (DN/PIA MIMAROPA)

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch