No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Urban Gardening, isinusulong sa Puerto Princesa City

Urban Gardening, isinusulong sa Puerto Princesa City

Ang mga gulay na talong, kamote at iba na nakatanim sa mga sirang kaldero at drum sa Salvador P. Socrates Government Center, Puerto Princesa City ay mga halimbawa ng Urban Gardening. (Larawan ni Mike Escote, PIA Palawan)

PUERTO PRINCESA, PALAWAN, (PIA)--Isinusulong ngayon ni City Councilor Elgin Robert Damasco ang pagkakaroon ng Urban Gardening sa Puerto Princesa City. Sa talumpati ni Damasco sa naganap na leadership training ng Puerto Princesa Homeowners Federation Inc kamakailan sa Performing Arts Center ng Palawan State University, Puerto Princesa City, hinikayat niya ang mga opisyal ng bawat homeowner’s association na gawin ang Urban Gardening sa pamamagitan ng pagkakaroon ng Gulayan sa Homeowners Association Program.

Ayon kay Damasco na siyang Chairman ng Committee on Agriculture ng Sangguniang Panlunsod, layunin nito na magkaroon ng ‘food security’ sa siyudad kaya kung mayroon aniyang mga bakanteng lote, ang lahat ng mga mamamayan ay taniman ito ng gulay tulad ng malunggay, kamote at iba pa.

Giit niya, hindi naman kailangang may malapad na lupa para makapagtanim kasi kahit sa paso ay maaari naman aniyang makapagtanim. Ang Urban Gardening kasi ay isang paraan ng pagtatanim sa isang maliit o limatadong espasyo sa isang tahanan kung saan ginagamitan ito ng mga paso o ng  mga recycled materials tulad ng sirang kaldero, kawali, drum, container at iba pa.

“Kailangan walang nagugutom na mga miyembro ng Homeowners Association (HOA) dahil ang [mga miyembro ng] organisasyon na bumuo ng gulayan sa HOA, kapag wala siyang pagkain, wala siyang ulam puwede siyang pumunta doon sa inyong gulayan sa HOA, pumitas ng dahon na puwede na niyang sabawin [o gawing ulam]” saad pa niya.

Dapat aniyang tingnan noong kasagagan ng Covid-19 pandemic kung saan marami tao ang naging problema kung saan kukuha ng pagkain at naghihintay lamang ng ayuda mula sa pamahalaan kaya dapat aniyang palitan natin ang ating kaisipan at magkaroon ng programa para sa seguridad ng pagkain.

Giit niya, tutulong ang kaniyang opisina maging ang City Agriculture Office para maisakatuparan ang pagkakaroon ng gulayan sa HOA. Nais niya rin na magkaroon ng kompetisyon hinggil dito at nangako siyang magbibigay ng premyo sa mayroong pinakamagandang gulayan sa homeowner’s association. (MCE/PIA MIMAROPA)


Banner Photo above:  Barangay Maunlad PPCity Facebook page

About the Author

Michael Escote

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch