Dagdag pa ni Mirindato, sa 20 araw na pagpaparehistro, 10 araw dito ay satellite registration na isinagawa sa labas ng kanilang tanggapan na ginanap sa iba’t-ibang barangay. Bukod dito, ang barangay na may pinakamaraming rehistradong botante sa lungsod ay sa Lumangbayan na may bilang na 3,420 habang ang pinakakaunti ay sa Brgy. Panggalaan na mayroon lamang na 416 na botante.
Samantala, ayon naman sa Comelec Resolution No. 10846, na ipinahayag noong Setyembre 21, 2022, nakasaad dito na gaganapin ang pagsusumite ng sertipikasyon ng kandidatura sa Oktubre 22-29 (maliban sa Oktubre 23), Nobyembre 6–Disyembre 20 ang panahon ng eleksiyon kabilang ang pagpapatupad ng 'gun ban', Nobyembre 25–Disyembre 3 ang panahon ng kampanyahan ng mga aspirante sa barangay at sangguniang kabataan, Disyembre 5 ang araw ng halalan na magbubukas ang mga presinto ng 7:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon lamang at Enero 4, 2023 ang huling araw ng pagsusumite ng Statement of Contribution and Expenditures (SOCE).
Nilinaw din ng opisyal ang tungkol sa napapabalitang hindi umano matutuloy ang halalan ngayong Disyembre 5, “Hanggat walang batas na naipapasa hinggil sa pagpapaliban ng 2022 Barangay at Sangguniang Kabataan Eelections, tuloy na tuloy pa rin ito. Kaya’t kami ay patuloy na naghahanda para dito,” pagtatapos na mensahe ni Mirindato. (DN/PIA-OrMin)