No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Pamilya mula Baguio City, tinanghal na Natatanging Pamilyang Pilipino

Iniabot ni DSWD Sec. Erwin Tulfo ang pagkilala sa pamilya Adjaro sa ginanap na national awarding ng Search for Natatanging Pamilyang Pilipino nitong Oktubre 10, 2022. (Photo: Thelma Pugyao)

BAGUIO CITY (PIA) -- Tinanghal na Natatanging Pamilyang Pilipino national winner ang Adjaro Family mula sa Sto. Tomas, Baguio City sa ginanap na awarding ceremony sa Quezon City nitong Lunes, Oktubre 10.

Ang nasabing pamilya ay tumanggap ng plaque of recognition at cash incentive na P50,000.

Sa mensahe ng haligi ng tahanan na si Johnny Adjaro, sinabi nito na ang naging pundasyon ng kanilang pamilya ay ang pananampalataya sa Maykapal.

Sinabi rin niya na gaya ng kasabihang 'it takes a village to raise a child', lagi nilang hinihikayat ang kanilang mga anak na makibahagi sa mga aktibidad ng komunidad.
 
"We truly believe that every family should take part in the activities of the community and not just inside the home," ani Adjaro.
 
Samantala, first runner-up ang Tayawan Family ng Davao Occidental habang second runner-up ang Juan Family ng Zambales na nakapag-uwi naman ng tig-P25,000.
 
Hinikayat ni DSWD Secretary Erwin Tulfo ang mga natatanging pamilya na ipagpatuloy ang pagiging huwaran sa iba pang pamilyang Pilipino.
 
"Ang akin lamang pong hihingin sa mga natatanging pamilya natin ay pagbalik ho ninyo sa inyong komunidad, sa inyong mga bayan, sa inyong lalawigan, na maging huwaran sa iba pang mga pamilyang Pilipino. Paglabas po ninyo rito, kayo po ang titingalain ng mga kababayan natin na natatanging pamilyang Pilipino. You will be the example in your community," ani Tulfo.
 
Tiniyak din ng kalihim ang pagsuporta sa mga programa at polisiya na magpapalakas sa pundasyon, pag-unlad, at proteksyon ng mga pamilyang Pilipino.
 
Layunin ng Search for Natatanging Pamilyang Pilipino na kilalanin at parangalan ang mga huwarang pamilyang Pilipino na nagpakita ng magandang pamamaraan ng pamumuhay at nakapagbigay ng kontribusyon sa nation-building.
 
Tampok dito ang katatagan, lakas ng loob, at kalakasan ng mga pamilyang Pilipino sa gitna ng pandemya maging ang mga hamon na kinaharap ng mga ito.
 
Ang nanalong pamilya ang magsisilbing ambassador na magtataguyod sa mga layunin ng National Committee on the Filipino Family at iba pang family development related initiative/activity, magsisilbing resource persons sa mga family development sessions, fora, at iba pang aktibidad ng komite. (JDP/DEG-PIA CAR)

(Photo: Thelma Pugyao)
(Photo: Thelma Pugyao)

About the Author

Jamie Joie Malingan

Regional Editor

CAR

Feedback / Comment

Get in touch