No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Industriya ng pinya sa General Luna, palalakasin

GENERAL LUNA, Quezon (PIA)- Inihayag ni  General Luna, Quezon  Mayor  Matt Florido  sa idinaos na Kapihan sa PIA – Quezon noong Oktubre 12 na palalakasin niya  ang pagtatanim o industriya ng pinya sa kanilang bayan gayundin ang  pagproseso ng iba’t-ibang produkto mula sa pinya.

Ayon pa kay Mayor Florido, tapos na rin ang konstruksiyon ng pineapple processing center na nakahanda na ring gamitin sa kanilang bayan at inaayos na rin ang marketing strategy upang mas maraming merkado ang pagbabagsakan ng mga inaning pinya mula sa bayan ng General Luna.

“Kilala po ang aming bayan sa pagkakaroon ng matamis na pinya kung ikukumpara sa ibang mga bayan sa Quezon  na nagtatanim din ng pinya”, sabi pa ng alkalde

Sinabi rin ni Florido na angkop sa prayoridad na program ni Quezon Governor Angelina “Helen” Tan na “Prime Eco-tourism Destination”  ang pagpapaunlad ng industriya ng pinya sa kanilang bayan.

Ang bayan ng General Luna ay may 27 barangay at kalimitang ikinabubuhay ng mga tao  dito ay pagsasaka at pangingisda.

Samantala, inihayag din ng alkalde ang mga programang tuloy-tuloy niyang ipinatutupad sa bayan ng General Luna kagaya ng konstruksiyon ng bagong munisipyo at pamilihang bayan ng General Luna, flood control project at pagsasaayos ng mga drainage system. (Ruel Orinday-PIA Quezon)



About the Author

Ruel Orinday

Writer

Region 4A

Feedback / Comment

Get in touch