LUNGSOD NG LUCENA, Quezon- Hinikayat ni Bernie Torno, pangulo ng samahang Men Opposed to Violence Against Women Everywhere (MOVE)- Quezon Chapter ang iba’t-ibang mga Samahan sa laalwigan ng Quezon lalo na ang Samahan ng MOVE sa mga bayan sa lalawigan na makiisa sa mga aktibidad na inihanda ng samahang MOVE- Quezon na kaugnay sa nalalapit na “18-Day Campaign to End VAWC na magsisimula sa Nobyembre 25 hanggang Disyembre 9, 2022.
Sa idinaos na pulong ng MOVE- Quezon sa lungsod ng Lucena noong Oktubre 12, sinabi ni Torno na kabilang sa mga inihandang aktibidad ng MOVE-Quezon ay ang mga sumusunod: “Orientation on Understanding Psyche Surrounding VAWC na idaraos sa Nobyembre 25; “Lakas/Takbo/Padyak na magsisimula sa Pacific Mall, Lucena City patungong Quezon Capitol gayundin ang Zumba para kay Juana laban sa karahasan sa kababaihan” na idaraos sa Provincial Capitol Ground sa lungsod ng Lucena sa Disyembre 4.
Idaraos naman ang “free legal consultation on VAWC kung saan ito ay pangungunahan ng MOVE-Quezon gayundin ng Provincial Gender and Development Office (PGAD)- Quezon at mga lawyer na siyang tutulong sa pamamagitan ng free legal consulation.
Samantala, idaraos naman sa Disyembre 9 (Men’s Day) ang blood donation, CBC Exam at Tiktok Challenge sa Quezon Convention Center sa lungsod ng Lucena kaalinsabay din sa oath taking ng mga bagong opisyal ng MOVE- Quezon na inaasahang dadaluhan din ng mga miyembro ng MOVE mula sa iba’t-ibang bayan ng Quezon.
Kaugnay nito, nananawagan si Torno sa mga Samahan ng MOVE sa mga bayan sa Quezon at maging sa iba’t-ibang Samahan sa Quezon kagaya ng Samahan ng LGBT na makiisa sa mga isasagawang aktibidad.
“Makiisa po tayo at suportahan ang mga aktibidad na ito na bahagi ng ating kampanya laban sa karahasan sa mga kababaihan at maging sa mga kabataan,” ayon kay Torno.
Kaugnay nito, ang mga ahensiya ng pamahalaan kagaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine National Police – Quezon o QPPO, Department of Education (DepEd) at iba pang ahensiya at mga lokal na pamahalaan ay inaasahan ding makikisa sa “18-Day Campaign to End VAWC”.
Matatandaan na ang MOVE-Quezon ay inorganisa sa pamamamagitan ng Provincial Gender and Development Office (PSWDO) na naglalayon ding labanan ang karahasan sa mga kababaihan at mga kabataan. (RMO/PIA Quezon)