Ang Puerto Princesa City Baywalk na isa sa mga sikat na pasyalan sa Puerto Princesa City. (Larawan mula sa City Tourism Office)
PUERTO PRINCESA, PALAWAN (PIA) -- "Patuloy na sumisigla ang turismo ng Puerto Princesa City," ito ang magandang ibinalita ni City Tourism Officer Demetrio “Toto” Alvior sa mga kagawad ng media na dumalo sa Kapihan sa PIA Palawan na ginanap sa SM City Puerto Princesa noong October 12.
Ayon kay Alvior, tuloy-tuloy ang pagdating ng mga bisita sa siyudad, sa katunayan halos sa isang linggo ay mayroong dalawang lokal na pamahalaan ang nagsasagawa ng lakbay-aral para malaman at makopya nila ang mga ginawang istratehiya ng Puerto Princesa sa pagbangon ng eco-tourism nito lalo na ng mga Community-Based Sustainable Tourism (CBST) sites na pinadapa ng Covid-19 pandemic.
Maganda rin aniya na nakuha ng siyudad ang pag-host ng 70.3 Ironman Philippines na isang international event sa November 13 na malaking tulong para mas lumakas ang ekonomiya ng Puerto Princesa dahil napakaraming mga bisita ang darating sa siyudad kaya aniya halos punuan na ang akomodasyon sa mga petsang November 10-14.
Susundan pa aniya ito ng Legends Ride sa November 19, ito aniya ay ang asosasyon ng Big Bikers sa Pilipinas na aabot sa 600 riders na may dalang mga mamahaling motorsiklo. Ito aniyang grupo na ito ay talagang may mga pera kaya kung ang average na kayang gastusin ng isang turista na P3,700 baka ito aniya ay mahigit P5,000 na ang gagastusin bawat isa. “Sa ngayon maganda ang takbo ng ating tourism sa Puerto Princesa” giit pa niya.
Dahil dito, lahat ng mga sektor kahit pa nga aniya ang mga ordinaryong mga mamamayan ay nakikinabang. Dagdag pa niya na nakasandal ang turismo ng siyudad sa domestic tourists at pandagdag na lamang ang mga dayuhang turista dahil batay sa kanilang tala kahit pa noong walang pandemya ay nasa 60 porsyento ng mga domestic tourists ang pumunta sa siyudad.
Kaya ito aniya ang kanilang pokus ngayon at ito rin ang ipinayo sa kanila ng national government kung nais na makabangon agad. Bukod sa mga magagandang tourist destinations, ang pagiging ‘hospitable’ aniya ng mga tagalungsod ang nakikita niyang dahilan kaya patuloy na gumaganda at bumabalik ang sigla ng turismo dahil sa pagbalik ng mga turista sa lugar. (MCE/PIA MIMAROPA)
Top photo: Claudette Ensomo-Sendaydiego