No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mangrove Ecopark, binuksan sa lungsod ng Batangas

LUNGSOD NG BATANGAS (PIA)—Binuksan at isinagawa ang pagbababasbas at inagurasyon ng Batangas City Mangrove Conservation Ecopark na matatagpuan sa Sitio 3, Brgy. Malitam sa lungsod na ito noong ika-11 ng Oktubre.

 
Pinangunahan nina Mayor Beverley Rose Dimacuha at 5th District Rep. Marvey Marino ang proyektong ito ng City Environment and Natural Resources Office (City ENRO) na layong mapangalagaan at maprotektahan ang kalikasan upang mapigil ang anumang masamang epekto ng kalamidad tulad ng pagbaha, pagguho ng lupa at iba pa.

 
Ayon kay City Environment Officer Oliver Gonzales, nakakatulong ang bakawan sa pagsipsip ng tubig habang sinasala ng mga dahon nito ang polusyon. Aniya, nag-iimbak ang mangrove ng carbon na 10 neses ang dami kumpara sa kagubatan. 


 
“Ang ugat ng mangrove at nagsisilbing blue carbon sink, sinisipsip nito ang carbon dioxide mula sa hangin at iniimbak sa kanilang ugat, sanga at lupa,” sabi ni Gonzales.
 
Ang naturang mangrove ecopark ay may lawak na 6,500 square meters, at may 500 metro naman ang haba ng eco trail (bamboo walk) dito. Mayroon itong pitong (7) uri ng bakawan, kagaya ng Bakauan- babae, Bakauan lalaki, Pototan, Busain, Bungalon, Bakhaw-bato at Pagatpat, at may 12 uri or species ng ibon ang na-identify dito, kabilang ang Eurasian tree sparrow, Scaly-breasted munia, Chestnut munia, Olive-backed sunbird, Golden-bellied gerygone, Black- naped oriole at iba pa.
 
Sinabi ni Mayor Dimacuha na ang naturang mangrove ecopark ay isang eco-tourism site na magbibigay ng maraming economic activities sa lugar.
 
“Sana at maprotektahan ninyo at mapanatiling malinis, huwag tatapunan ng basura at sa halip ay mas palawakin ang mangrove area,” hiling ni Mayor Dimacuha sa mga residente.
 
Aniya pa, ngayon pa lamang ay marami na ang gustong bumisita dito kung kaya’t dapat ay may entrepreneur skills ang mga residente para magkaroon ng pagkakakitaan. Ayon naman kay Cong. Mariño, napakalahalaga ng mga bakawan dahlil dito nangingitlog ang mga isda.
 
“Isang patunay ito na sa kabila ng patuloy na pagpasok ng industrial investment sa lungsod, patuloy pa din nitong pinoprotektahanat ating kalikasan. Patuloy din ang konstruksyon ng dike na maaaring magsilbing tourist attraction sa lugar at ang rehabilitation plan ng Calumpang River upang maging ganap na tourist destination,” ani Marino. (MDC/PIA-Batangas may ulat mula sa PIO Batangas City)

About the Author

PIA CALABARZON

Writer

Region 4A

Feedback / Comment

Get in touch