LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna (PIA) – Inaasahan ng National Meat Inspection Service Region 4A (NMIS 4A) ang pagtaas ng demand sa karne at iba pang meat products dahil sa nalalapit na holiday season.
Sa kanyang panayam sa Sulong Calabarzon, siniguro ni NMIS 4-A Regional Technical Director, Dr. Orlando Ongsotto na istriktong ipinapatupad ng pamahalaan ang mga panuntunan nito upang masigurong ligtas ang mga karne na inaangkat sa rehiyon.
“Ang meat ay highly regulated. Hindi ka basta makakapag-import kung walang lisensya. Maging sa ibang bansa ay regulated rin ito upang maiwasan ang smuggling o pagpasok ng mga karne na hindi dumaan sa inspeksyon,” ani Ongsotto.
Mayroong 52 meat importer sa rehiyong Calabarzon ang kasalukuyang lisensyado bilang meat importer-processor, meat importer-traders, at mga institutional meat importer tulad ng mga hotel.
Puspusan rin ang NMIS sa pagsasagawa ng mga inspeksyon sa mga meat processing facility dahil sa inaasahang pagtaas ng demand sa karne para sa holiday season.
Bukod dito, dumarami rin ang mga pasilidad na kumukuha ng ‘Double A’ at ‘Triple A’ certification upang makasabay sa pagtaas ng demand ng meat products.
“As early as September at October, nag-iipon na ang meat producers ng raw materials para sa paggawa ng ham, bacon at iba pang produkto para sa holiday season. Dahil dito, lumalaki na rin ang volume ng pagkatay,” ani Ongsotto.
Paliwanag ni Ongsotto, tumataas ang demand sa mga meat processor sa pagpasok ng ‘-ber’ months bilang paghahanda sa pangangailangan ng merkado hanggang Enero sa susunod na taon.
“Pagdating ng December, hindi na tayo nag-iinspeksyon ng mga meat establishment. Kaya kung ang expiry ng permit ay December o January, kailangan ay natapos na ang inspection sa November. Inaasahan natin ang pagbugso ng mga inspeksyon.”
‘Triple A’ certification ng mga slaughterhouse sa Calabarzon, isinusulong
Kasalukuyang nasa pangangalaga ng NMIS ang mga Double A at Triple A Slaughterhouse sa bansa upang masigurong ligtas at de kalidad ang mga karneng at meat products na ibinebenta sa merkado.
Ayon kay Ongsotto, kabilang sa mga uri ng karne na maaaring ibenta sa bansa ang baboy, kalabaw, manok, at pato. Pinapayagan rin ng pamahalaan ang pagbebenta ng mga exotic meat tulad ng rabbit, ostrich, at crocodile.
Bagamat malayang naibebenta ang mga ganitong uri ng karne, ipinaalala ni Ongsotto sa mga mamimili at meat producer na sumunod sa mga panuntunan ng pamahalaan ukol sa proper meat handling.
“Hindi dapat basta nakalatag ang karne sa tindahan. Kailangang nakalagay ito sa chiller o freezer para kapag binili ng consumer at hindi pa nagde-deteriorate ang karne.” (PB)
PANOORIN ANG BUONG PANAYAM NI NATIONAL MEAT INSPECTION SERVICE REGIONAL TECHNICAL DIRECTOR, DR. ORLANDO ONGSOTTO SA SULONG CALABARZON: https://www.facebook.com/piagovph4a/videos/5482395095184121/