SAN NICOLAS, Pangasinan (PIA) --Ibinida ang mayamang kultura at tradisyon ng indigenous cultural communities ng Region 1 sa ginanap na selebrasyon ng National Indigenous Peoples Month na tinawag na “Lambak Ed Region 1” na idinaos ng National Commission of Indigenous People (NCIP) sa Barangay Malico, sa bayan na ito, nitong Miyerkules.
Iba’t-ibang mga katutubong sayaw ang ipinakita ng mga indigenous peoples (IPs) ng rehiyon tampok ang kanilang mga makukulay na tradisyonal na kasuotan, at sinasalamin ang kanilang nakaraan, natatanging kaugalian at pang-araw-araw na pamumuhay.
Dumagdag pa sa kasiyahan ang mga tradisyonal na laro ng lahi gaya ng hilahang lubid at bunong braso.
Kasabay sa selebrasyon ang paggunita sa 25th Jubilee of the Enactment of the Indigenous Peoples Rights Act of 1997 o IPRA na may temang nakatuon sa pagtataguyod ng karapatan ng mga katutubong pilipino at seguridad ng kanilang mga ancestral domains sa pamamagitan ng pagkakaisa ng buong sambayanan.
Kabilang si Pangasinan Governor Ramon Guico III, Entongraphic Commissioner Gaspar Cayat, NCIP Regional Director Harriet Abyadang, at San Nicolas Mayor Alicia Primicias-Enriquez sa mga dumalo sa katatapos na "Lambak Ed Region 1" o ang selebrasyon ng National Indigenous Peoples Month na ginanap sa Brgy. Malico, San Nicolas, Pangasinan noong ika-19 Oktubre 2022.
Nagbalik-tanaw naman si Atty. Harriet Abyadang, regional director ng NCIP Region 1, sa naging mga pagsubok sa pagpapatupad ng IPRA noong mga panahong ito ay kasasabatas pa lamang.
Nagpasalamat si Abyadang sa administrayong ng dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapakilala ng whole-of-nation approach para lubos na maitaguyod ang IPRA sa bansa.
“Nitong mga nakaraan mga taon ay lumakas ang pagtataguyod natin ng IPRA,” ani Abyadang.
Dagdag niya, “Through convergence or the whole-of-nation approach, the different government offices came together and they are able to pool their resources in serving the communities, especially the indigenous peoples.”
Dinaluhan ng mga ahensya ng gobyerno at ng mga lokal na pamahalaan ang pagtitipon upang ipakita ang kanilang suporta sa pagpapalakas ng implementasyon ng ipra sa rehiyon at ilapit ang mga programa at serbisyo-publiko para sa mga IPs.
Bilang panauhing pandangal ng selebrasyon ay nagpahayag ng pakikiisa ang gobernador ng Pangasinan na si Ramon Guico III, “Suportado ko po kayo bilang gobernador ng lalawigan at bilang isang pilipino.”
“Napakayaman po ng inyong kultura at nais ko po sanang ma-preserve sana yun. It is one of the riches, wealth and treasures of the IPs,” aniya.
Samantala, nanumpa naman ang mga bagong regional IP youth leaders na ani ni NCIP Ethnographic Commissioner Gaspar Cayat na siyang pangunahing inaasahang papasahan ng responsibilidad na pangalagaan ang kultura at tradisyong ipapasa sa mga susunod pang henerasyon. (JCR/CGC, PIA Region 1)