IBA, Zambales (PIA) -- May 150 residente ng Sitio Lilindot, Barangay Sto. Rosario sa bayan ng Masinloc ang nakinabang mula sa mga serbisyo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Layunin ng aktibidad, na bahagi ng Municipal Retooled Community Support Program o RCSP, na maipaabot nang libre ang mga serbisyo ng pamahalaan sa mga residente ng naturang barangay.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government o DILG Provincial Director Martin Porres Moral, mahalaga aniya ang programang ito sapagkat ito ay nagsisilbing tulay upang mailapit ang pamahalaan sa malalayong komunidad.
Kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob ang libreng medical at dental check-up, COVID-19 vaccination, pamimigay ng libreng gamot at bitamina, libreng gupit, libreng binhi, at abono.
Nagkaroon din ng libreng pagkuha ng police clearance, at birth, death, at marriage certificates; at pagpaparehistro sa Philippine Identification System.
Bukod sa mga libreng serbisyo, nagsagawa rin ng information drive ang Situational Awareness and Knowledge Management o SAKM Cluster ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict o RTF-ELCAC patungkol sa panlilinlang ng mga makakaliwang grupo sa iba't-ibang sektor ng lipunan.
Ang naturang aktibidad ay pinangunahan ng pamahalaang bayan ng Masinloc, katuwang ang DILG, SAKM Cluster, Philippine Army, at Philippine National Police. (MJSC/RGP PIA-3)
May 150 residente ng Sitio Lilindot, Barangay Sto. Rosario sa bayan ng Masinloc ang nakinabang mula sa mga serbisyo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno. (DILG Zambales)