No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Taas-pasahe sa traysikel sa Puerto Princesa City, aprubado na

PUERTO PRINCESA, Palawan, (PIA) -- Inaprubahan na ng Sangguniang Panlunsod ng Puerto Princesa sa kanilang regular na sesyon noong October 17 ang SDO No. 029 na may titulong “An ordinance amending Section 2 of Ordinance No. 1129, otherwise known as “The New Tricyle Fare Ordinance of Puerto Princesa City of 2021 and adding the Section 3 thereof” na inisponsor ng Committee on Transportation.

Nakapaloob dito ang P2.00 na dagdag sa minimum fare sa traysikel kaya magiging P12.00 na ang dating P10.00 minimum na pasahe sa unang tatlong kilometro at karagdagang P2.00 rin sa bawat susunod na kilometro.

Ipinaliwanag ni City Councilor Nesario Awat, Chairman ng Committee on Transportation, na bago ito maaprubahan, nagkaroon ng ‘referral’ ang hiling na pagtaas ng pasahe at napunta ito sa Committee on Transportation, sa puntong ito  ay kaniya munang inindorso sa City Franchising Regulatory Board (CTFRB) dahil nasa ordinansa ng siyudad na ang anumang pagtaas ng pasahe sa traysikel ay dapat na may rekomendasyon mula sa CTFRB. Agad naman aniya itong inaksyunan kung saan kanilang inadopt ang kahilingan pero tinanggal ang P0.25 na karagdagang pasahe sa mga susunod na kilometro at pagkatapos nito ay nagkaroon na sila committee meeting at public hearing kung saan walang tumutol sa mga dumalo.

“Wala pong tumutol sa pagtaas dahil naunawaan ng ating mga kababayan yung pagtaas ng gasolina sa Lunsod [ng Puerto Princesa]. Ang nangyari lang po dito ay adjustable na ang pagtaas ng pamasahe sa atin sa siyudad dahil hindi naman stable ang pagtaas ng gasoline at yung pagtaas ay depende sa pagmahal ng gasoline at yan ay may bracket” saad pa niya.

Sa ilalim ng bracketing system, ang pamasahe sa traysikel ay otomatikong tataas o baba ng P2.00 sa bawat P10.00 pagtaas o pagbaba ng presyo ng gasolina. Ang Tricycle Operator at Drayber ay kailangan rin aniya na ipaskil sa loob ng kanilang sasakyan ang kopya ng Fare Matrix at maglagay ng hotline para may matatawagan ang mga pasahero kung sakaling mayroon silang reklamo. Kapag napirmahan na aniya ito ni Mayor Lucilo Bayron at nailathala sa pahayagan ng 15 araw, magiging epektibo na ang ordinansya.

Ang pagtaas ng pasahe sa traysikel at pagkakaroon ng bracketing system ay hiniling ng Federation of Tricycle Operators and Drivers Association of Puerto Princesa City (FTODA) sa pamamagitan ng kanilang resolusyon dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina. (MCE/PIA MIMAROPA)

About the Author

Michael Escote

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch